Cat on a Wet Street

Noong isang linggo, habang naglalakad ako mula bus stop papauwi sa aking tinitirhang apartment, napansin kong may nag-build up na traffic sa maulang kalsada kung saan nakatayo ang kahabaan ng brown line ng MRT station. Maya-maya, may humaharurot na ambulansya at kasunod nito ang dalawang motorsiklo na minamaneho ng dalawang pulis. Ah, may aksidente, bulong ko sa sarili. Habang papalapit ako sa lugar kung saan may mga sampung taong nagkukumpulan, may nakita akong nakatigil na pulang kotse na nakabukas pa ang pinto at sa tabi nito, isang babaeng tarantang nakikipag-usap sa cellphone. Para syang nag-pa-panic kasi umiikot siya at tumatakad pa. Habang papalapit ako para maki-usyoso, napansin kong umiiyak ang babae na sa aking sapantaha ay siyang driver ng kotse.

May nabangga siguro siyang nakasakay sa motorsiklo o may nabundol na tumatawid sa pedestrian lane, sabi ko sa sarili.

Nakisingit ako sa grupo ng mga instik na nakiki-usyoso sa akisdenteng nangyari. Tapos nakita ko ang kanilang pinagkakaguluhan at di ko alam kung magugulat ba ako o ma-a-amuse.

Hindi driver ng motorsiklo ang nabundol ng babae. Hindi rin taong tumatawid sa pedestrian lane, kundi isang brown na pusa. Nakita ko ang dugong bumugalwak sa tiyan ng kawawang pusa. Pinagmasdan ko kung Persian cat ba ito o member ng special breed of elite cats pero sa aking tingin, isa lang itong pusang gala o pusang lansangan. Yung mga tipo ng pusa na binabato ng tsinelas ng mga tambay sa Tayuman at Sampaloc sa Maynila. Yung mga binubulyawan ng mga matataray na tsismosa  at sinisigawan ng “papatayin kitang lintik kang pusa ka” ng mga natalo sa tong-its.

Dali-daling bumaba ang  tatlong naka-uniform na staff ng ambulansya. Naglabas sila ng kanilang mga medical equipment at lumuhod sa harap ng pusa na parang ini-inspect kung maisasalba pa ba nila ang buhay ng naaksidenteng hayop. Bumaba naman sa kanilang motorsiklo ang dalawang pulis. Yung isa, kinausap ang babaeng umiiyak habang yung isa naman ay may dalang camera at kinunan ang naghihingalong pusa. Dalawa ang nakita kong umiiyak. May isang batang babae, tinatakpan pa ng nanay ang kanyang mga mata para huwag niyang makita ang nangingisay na pusa. Yung isa namang lalaking teen-ager, naglabas din ng cellphone at may tinawagan. Tila ni-re-report niya ang aksidenteng nangyari.

Sa gitna ng lahat ng ito, nailing ako dahil sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ko huhugutin ang simpatiya para sa pusang naaksidente. Hindi ako fan ng mga pusa. Nung bata ako, nahagisan ako ng pusa ng isang kalaro. Kinalmot niya ang mukha ko at mula noon, kinamuhian ko na ang lahat ng kanyang mga kauri lalo na yung mga pusang naghahabulan sa mga bubungan sa gabi at yung mga kay iingay na naglalandian kapag ako’y natutulog. Lumaki rin ako sa isang bansa kung saan no big deal at di pinapansin ang mga pusang nasagasaan sa daan. Narinig ko na yata lahat ng mga mura at sumpa sa mga canine creatures na ito kaya wala akong reference point para malungkot, maawa at makiramay.

Pero kakaiba rito. Komo karamihan nga ay mga Buddhists, grabe ang respeto nila sa mga hayop–bihira ang nananakit at pumapatay kahit langgam, langaw at lamok. Nagkakaroon dito ng traffic kapag may nasagasaang pusa. Ang tindi ng response ng mga tiga animal welfare. Marahil ay dadalhin pa nila ito sa isang animal clinic. Kung sumakabilang buhay man ay maaaring ilibing pa sa isang pet cemetery at kung mabuhay naman ay aalagaan lalong mabuti. Papakinin ito ng mamahaling cat food, dadalhin sa isang animal spa at ipapasyal sa mga magagarang mall.

Mabilis akong umalis sa kumpol ng mga taong naki-usyoso. Di ko na inalam kung anong nangyari. Yung isang bahagi ng sarili ko ay nagsasabing ang OA naman. Pero yung kabilang bahagi ay nakaramdam ng pagkahiya. Matinding pagkahiyacat.

Maraming salamat Google images

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Taiwan Life. Bookmark the permalink.

2 Responses to Cat on a Wet Street

  1. Okay lang yan. Hayaan mo na at OA lang talaga sila. (nakup…baka mabato ako ng tsinelas)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s