Happiness Index

DSC_0255Nakaupo ako ngayon sa food court basement ng “The Mall,” isang upscale na mall sa Anhe Road, habang sinusulat ko ito. Isa ito sa mga paborito kong lugar sa Taipei kasi wala gaanong taong nagpupunta rito. Hindi ko nga alam kung paano kumikita ang mall na ito kasi sa tagal-tagal ko ng nagpupunta rito, hindi  ko  pa ito nakikitang puno. Kahit kelan, hindi ko naranasang pumila sa grocery ng mall na ito, na walking distance lang sa bahay na tinitirhan ko. Dito ako bumibili ng aking linggo-linggong supply ng parsley leaves na siya kong inilalaga kasama ng cilantro na siyang iniinom ko para malinis ang aking kidneys. Dito ko rin binibili ang isang brand ng peanut butter na sugarless at mababa sa glycemic index.

Sa isang boutique sa second floor, kilala na ako ng sales lady dahil minsan na niya akong kinausap at tinanong ng kung ano-ano nang minsang tumingin ako ng mga damit na naka “on sale.” Dahil sa wala ngang masyadong customer ang mall na ito, ako marahil ang napagbalingan ng pansin nung saleslady para hindi mapanis ang kanyang laway dahil wala siyang makausap buong araw. Sa pangalawang beses kong pagdalaw sa nasabing boutique, pinaupo pa ako ng saleslady at binigyan ng isang bote ng mineral water. San ka pa!

Tina-type ko ito, napapag-gitnaan ako ng dalawang mesa kung saan sa kanan, isang pamilya ang kumakain ng shaved ice with almond milk. May dalawang batang magkapatid na marahil ay mga four at five years old. Kapwa sila sinusubuan ng kanilang Taiwanese na Tatay at Nanay. Pilyo ang batang lalaki at hinihila niya ang mahabang pigtail ng kanyang kapatid. Pumalayaw ng iyak ang batang babae. Pabulong  naman na minura ng ama ang kanyang anak na lalaki. At kahit bopols pa rin ako sa Mandarin hanggang ngayon, naintindihan ko ang sinabi nung ama. “Shuo duibuqi ni memei” Sabi niya. Translation: “Mag-sorry ka sa kapatid mo.” Maluha-luha namang nag-sorry ang batang lalaki habang tuloy ang subo niya ng kanyang himagas.

Sa kaliwang mesa naman, dalawang babae ang magka-holding hands, nagtititigan at naglalandian. Sa halos tatlong taon ko ng paninirahan dito sa Taipei, common sight na ito sa akin. Hindi na ako nagugulat o naiiskandalo sa mga kabaro nina Charice at Aiza na buong layang nagpapakita ng kanilang romantic feelings sa isa’t-isa. Hindi rin sila pinapansin ng iba pang kumakaing Taiwanese. Bakit nga naman nila hahadlangan ang kaligayahan ng dalawang pusong nagmamahalan kahit pareho ang kanilang kasarian?

Kahapon, habang humihigop ako ng mainit na kape, nabasa ko ang isang article sa Taipei Times na nagsasabing ayon daw sa isang survey ng Organization of Economic Cooperation and Development (OECD), ang Taiwan  ang nag register ng pinakamataas na happiness index sa mga bansa sa Asya. Hindi ko alam kung kasama ang Pilipinas sa survey na ito dahil nung mga nakaraang taon, nag-top na rin ang Pinas sa Happiness Index survey. Dalawampu’t-apat ang indicators sa nasabing survey, kung saan mataas din ang naging score ng Taiwan sa “safety” category dahil sa kokonting bilang ng krimen na nagaganap at na-re-report sa bansa. Ganundin, mataas ang score ng Taiwan sa mga kategoryang may kinalaman sa living conditions gaya ng housing, income at jobs. Ayon sa editorial page ng Taipei Times, tuwang-tuwa daw ang mga opisyal ng Taiwan sa balitang ito. Nakasulat nga sa huling paragraph ng page 8 ng nasabing pahayagan: “Officials in Taiwan are often obsessed with gaining international credibility. Given the nation’s diplomatic isolation, this is understandable.”

Bagama’t hindi naman scientific ang measurement ng nasabing survey, napaisip pa rin ako. Masaya nga kaya in the true sense of the word ang mga Taiwanese? Tinanong ko ito nung isang araw sa kaibigan kong Taiwanese at nangiti siya. “it’s very difficult to answer,” sagot niya. “I cannot speak for my countrymen.”

“Speak for yourself then,” sabi ko, habang nag mental note ako na ang kausap ko’y American educated at maaaring hindi na tradisyonal ang tingin sa Taiwan way of life.

“I try to be happy,” sabi niya. I might have my complaints but I still like it here. What about you?”

Patay, sabi ko sa sarili. Sa akin binato ang tanong. “Me? Same as your answer although I really wish I can speak Chinese fluently.” Sagot ko.

Ngayong narito ako at pinag-gigitnaan ng dalawang magkaibang uri ng Taiwanese dito sa food court basement ng “The Mall,” iniisip ko ang Happiness Index at ang buong konsepto ng kaligayahan. Tapos nailing ako dahil gusto kong sampalin ang aking sarili. Bakit ba pinag-aaksayahan ko ng panahon ang pag-iisip tungkol sa lintek na kaligayahang yan.

Saan ko ba nabasa yun? “If you’re happy, don’t bother to analyze why.”

Makauwi na nga.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Reflections, Taiwan Life. Bookmark the permalink.

One Response to Happiness Index

  1. Caesar Vallejos says:

    Hahahaha.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s