Bus No. 15

busesLimang beses sa isang linggo sa nakaraang anim na buwan, sumasakay ako sa Bus No. 15. Dumadaan ito sa may kanto ng bahay na tinitirhan ko papuntang opisina kung saan ako pumapasok mula Lunes hanggang Biyernes. Tumitigil ito sa may sampung bus stops bago ito makarating sa Wenchow street entrance kung saan ako bumababa at tumatawid ng kalsada patungong office namin. Kabisado ko na ang iskedyul kung kelan dumadaan ang bus. Alam ko ang oras kung kelan maluwag ito at kung kelan magsisiksikan na at mag-aagawan sa espasyo ang mga pasahero. May 15 hanggang 20 minuto ang nilalakabay ng Bus No. 15 bago ito makarating sa lugar na binababaan ko.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos na lumululan ako sa bus na ito, halos kilala ko na rin ang mga pasaherong nakakasabay ko. Nabibilang ito sa tatlong kategorya: ang mga empleyadong tulad ko, mga senior citizens na nag-o-occupy ng mga priority seats at mga estudyante na bumababa sa harap ng tatlong eskwelahan na malapit sa tatlong bus stops. Mga kalahati sa mga pasaherong ito ay may mga dala-dalang libro, dyaryo, Ipad, kindle, tablets at telepono at abalang-abala sa pagbabasa, paglalaro ng mga computer games o kaya’y panay ang text. Kalimitan, may mga nakasuksok ding earphones sa kanilang mga tenga at enjoy na enjoy silang nakikinig ng sounds. Dalawa naman ang pinagkakaabalahan ng mga natitirang kalahating pasahero. Either nakapikit ang mga mata nila at natutulog o nakikipagkuwentuhan sila sa mga kasabay nilang pasahero. Bihira doon sa mga nakikipagkuwentuhan ang malakas magsalita. Marami sa kanila ay bumubulong. Humahalakhak man ay pabulong pa rin.

Tahimik at payapa parati ang buong biyahe. Siksikan man minsan sa loob ng bus, disiplinado lahat ng pasahero. Walang kumakain at umiinom kasi alam nilang may mga video camera  na nagmamanman at malaki ang multa kapag sila’y nahuli. Ang bilis din nilang magbigay ng daan kapag may bumababang pasahero, lalo na kung sila ay disabled o may kapansanan. Kahit walang konduktor na nagbibigay ng ticket, maayos pa ring nakakapagbayad ang mga pasahero dahil yung mga walang dalang Easy Card para magbayad  (itinututok lang ang card sa isang sensor at doon na nababawas ang bayad) ay naghuhulog lang ng barya sa isang mahabang lalagyan. Eksakto lamang dapat ang barya dahil wala na itong suklian pa. Wala ring vendors na umaakyat ng bus para magtinda ng tabloid, candy, mani, softdrinks, mineral water at kung ano-anong kutkutin. Wala ring mga religious fanatics na nag p-preach at mga manggagawang nag we-welga na humihingi ng mga abuloy.

Walang gaanong aksyon at drama na nagaganap sa inaraw-araw kong pagbiyahe sa Bus No. 15. Walang nandudukot at nang-i-slash ng bag, walang “Ipit” at “salisi” gangs na nangunguha ng pitaka at cellphones at kahit minsan, hindi pa rin kami nahuhuli ng pulis for any form of traffic violation.

Pero ewan ko, kanina habang tinatahak namin ang Heping East Road, na-miss ko bigla ang kahabaan ng EDSA. Ang taffic at alikabok, ang usok at alingasaw kapag tag-init at ang baha kapag tag-ulan. Na-miss ko bigla ang ingay at halakhakan ng mga taong nagkukuwentuhan ng Tagalog sa loob ng bus. Na-miss ko ang mukha ng mga taong kayumangging katulad ko.  Mga taong paroo’t -parito na kahit na pagod at gutom ay nakangiti pa rin dahil alam nilang mamaya lang ay uuwi na sila sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.

At alam ko na gaano mang ka-safe at convenient para sa akin ang sumakay araw-araw sa Bus No. 15 ay dadaanan pa rin ako ng manaka-nakang  pananabik na makauwi ulit doon sa magulo at paminsan minsa’y mapanganib na kalsadang nakasanayan ko ng lakaran at tawiran may ilang taon na ang nakakaraan.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Taiwan Life. Bookmark the permalink.

One Response to Bus No. 15

  1. Jean Cabrera says:

    napakadisiplinado ng mga tao jan , hindi ba. Dini sa lugar namin sa bus din kami umaasa para makarating sa filipino store, banko at walmart, isang higanteng tindahan(nationwide) ng mga samotsaring kagamitan at pagkain. mahal na rin ang pasahe 1.50 dollar para hindi senior. pag senior 25 cents pero me oras dapt 9 am to 3 pm naman. kaya nag-aantay kami ng 9 am para mura at balik kami bago mag3 pm. tulad jan me lugar ang mga disabled nakawheelchair ika nga. 2 wheelchair ang puede sa unahan ng bus. itutupi ang upuan para magkasya ang 2 wheelchair. kaya lang mga ilang minuto ring nakahinto ang bus para maiayos ang sasakay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s