Sinaing na Tulingan

Wala pa akong nakikilalang Batangueno na hindi kumakain ng sinaing na tulingan. Pride ito ng aming lalawigan. Kung ang mga Ilokano ay may bagnet at  ang mga Kapampangan ay may sisig, kaming mga Batangueno ay may sinaing na tulingan. Sa bayan ng mga lola at lolo ko sa San Luis, kung saan malimit kaming magbakasyon tuwing summer una kong natikman ang sinaing na tulingan na niluto sa palayok at kahoy. Kailangan kong idiin ang palayok at kahoy dahil iba ang lasa ng tulingan kung sa kaserola at stove ito niluto. Mas malasa ang kanyang isda. Mas mabango ang amoy nito kapag bagong luto. At mas malapot ang kanyang sabaw na kung tawagin namin ay patis. Kapag ito ay isinabaw sa mainit na kanin, kasabihan nga ng mga matatanda sa amin, titirik ang mata mo sa sarap.

Na siya namang totoo. Sa katunayan, tuwing binabalikan ko ang mga alaala ng aking kabataan, laging pumapasok sa isip ko ang mga tangahalian at hapunan kung saan tulingan na isda ang nakahain sa aming hapag kainan. Bondat lagi ang aking tiyan at tuwing titingnan ko ang aking pinggan, puro tinik na lamang ito ng tulingan (isdang kapamilya raw ng mackerel at tuna na parating maraming huli sa mga karagatan ng Batangas). At para mawala ang lasa ng isda sa aking bibig, matamis na manggang hinog ang isislbi sa aming magkakapatid bilang himagas. Mas lalo na akong nabubusog.

Natuto akong magluto ng sinaing na tulingan nung tumuntong ako sa high school. May nagrarasyon sa amin sa umaga ng mga isa o dalawang kilo ng kahuhuli lang na sariwang tulingan. Sa tulong ng aking mga pinsan, natutunan kong maglinis at mag-alis ng kaliskis at lamang loob ng tulingan. Bahagya ko itong pinipirat sa asin at dahan dahang ilalagay sa palayok kung saan bubudburan ko ito ngayon ng sariwang kamias. Lalagyan ko ito ng tubig at saka sisigan ang kahoy sa pamamagitan ng pagbuga ng hangin sa isang pipe na bakal na kung tawagin namin ay pang-ihip. Na-re-regulate ko ang timpla ng apoy sa pamamagitan ng pagbawas o pagdagdag ng kahoy. Makalipas ang mga 45 minuto, malalanghap ko na ang mabangong amoy ng patis ng tulingan.Gaya ng adobo, ang tulingan ay mas sumasarap kapag ito ay tumatagal. Kakaiba rin ang taglay niyang sarap kapag ito ay prinito sa mantika at kinain kasama ang paho o kaya’y tinadtad na kamatis.

Nang lumipat kami sa Maynila, bihira na akong makatikim ng tulingan mapwera na lang kapag napapadaan ako sa Alabang kung saan mayroon akong nakilalang ale na nagbebenta ng tulingan na galing pa raw Taal. Sa mga SM branches, paminsan-minsan ay nakakabili rin ako ng sinaning na tulingan pero hinahanap hanap ko pa rin ang lasa nung isdang niluluto namin sa bahay ng lola ko.

Ilang araw na akong binabalot ng lamig dito sa Taipei, at kapag tanghali at gabi, hindi ko mapigilang hanapin ang aking paboritong childhood comfort food. Nakakatuwang isipin na kahit napapaligiran ako rito ng saksakan ng daming pagkain buhat sa iba’t-ibang bansa, hinahanap hanap ko pa rin ang lasa ng sariwang sinaing na tulingan. Ang malambot at maalat niyang karne. Ang malapot niyang patis na walang kaparis at ang marami pang masasayang nitong kalakip na alaala tungkol sa mga tao at lugar na kay tagal ko ng hindi nakikitatulingan.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Food, Memories of Home. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s