Turning Japanese

Naglakad ako kagabi sa Shibuya district, ang kilalang fashion center  ng Tokyo, Japan at nagulat ako sa dami ng mga taong naglalakad sa daan. Para silang mga langgam na paroo’t-parito: tumatawid sa pedestrian lanes; akyat-baba sa hagdan papunta sa subway trains; gumagala kasama ang mga kaibigan at kasintahan; at pumipila sa mga fastfood kiosks, bus stops at food vendos. On a Sunday night kung kelan expected na maraming tao na ang mga nagpapahinga sa bahay in anticipation of a busy working Monday, hindi ko akalaing ganito pa ring karami ang mga taong gumagala sa gabi.

Nakakagulat din dahil sa gitna ng mga kabataang nakakasalubong ko na talaga namang out of this world ang fashion statement (iba’t-ibang kulay ng buhok mula blonde hanggang green, red, purple, blue, batbat ng hikaw sa tenga, ilong, maging sa baba at kung ano-anong body adornment na di ko mawari), may nakasalubong akong isang babaeng naka-traditional kimona, tila nagmamadali at mukhang ma-le-late na sa appointment. Sa kabila ng tila mala-Halloween na costume parade na nakikita ko, may napansin akong kulang. Wala akong naririnig na ingay. Walang malalakas na pop o rock music na bumubulaga sa mga record bars at pubs, walang bumubusinang sasakyan at humaharurot na mga motor, walang malalakas na sigawan at halakhakan. Kalmado lang ang mga Hapon. Tumatawa man ay parang mga bumubulong. Nilalapitan ako ng mga vendors na nagbebenta ng kung ano-ano pero magalang sila. Panay ang yuko para mag-bow. At minsan lang ako umiling ay di na sila nangungulit.

Kasagsagan na ng autumn kaya may kagat na ang lamig dito sa Tokyo, lalo na sa gabi. Ikot-ikot pa ako sa mga eskinita ng Shibuya. Di naman nakakatakot gumala kasi ang liwa-liwanag ng mga daan at nakakaaliw tumingin sa mga kumikindat na neon lights. Sa isang kanto, may isang signage sa wikang ingles na tila nag stand out sa mga signage na nakasulat sa Japanese characters. In bold red fonts, nakasulat doon. “Internet Cafe and Karaoke.” First time ko yatang makakita ng ganitong uri ng kombinasyon. Singing while updating your Facebook status or composing a tweet. Kakaiba nga. May nadaanan din akong isang pub na umagaw din ng aking pansin dahil ang liit-liit niya. Parang kasya lang yata ang pitong tao. Naalala ko tuloy ang kwarto namin sa hotel na dinescribe ng kasama kong Taiwanese na para daw hawla ng ibon. “But that’s the way it is here in Japan,” natagpuan ko ang sarili kong dinedepensahan ang bansang bata pa lang ako ay gusto ko ng marating. “Space is like gold here so they make use of it to the maximum.” Tapos natawa ako kasi naalala ko kung paano ako naligo kaninang umaga na halos di makagalaw sa liit ng banyo. Para lang kasi siyang lavatory ng isang eroplano. Given na US$125 per night na ang bayad namin sa hotel, na-i-imagine ko na kung magkano pa per night yung mga fancy, five-star rooms. Wala nga yatang hindi mahal dito.

Pero bakit sa kabila ng lahat ng kamahalang ito ay gustong-gusto ko ang lungsod ng Tokyo? Kasi siguro ramdam ko ang warmth at gentleness ng mga Japanese. Sila yung tipo ng mga tao na kahit na ngarag ay di nag-iingay. Nagustuhan ko rin ang kanilang pagkain. Para sa akin, iba ang lasa ng pagkain dito kumpara sa mga pagkaing natikman ko na sa maraming Japanese restaurant sa ibang bansa. Sa Pilipinas, sobra-sobra na ang aking papuri sa mamahaling sushi at sashimi sa Sugi, pero nalagpasan ito ng sarap ng pagkain doon sa pinuntahan naming restaurant nang una kaming mag-dinner noong Biyernes ng gabi.

Kahapon ng umaga, sumimba kami ng mga kasama kong Pinoy na workshop participants sa isang Franciscan Church sa Roponggi district at napansin ko agad ang mataginting na tinig ng kanilang choir soloist. “Pilipino yun, ano?” bulong ko kay Myra, isang PhD student sa Tsukuba University. “Sinabi mo pa,” sagot niya sa akin. “Marami sa kanila ay mga entertainers kaya talagang ang gagaling ng boses.”

May dalawa pa akong natitirang araw sa Tokyo at di ako makapaghintay na maglakad at gumala pa. Tuwang-tuwa akong magmasid at pag-aralan ang nakakatuwa, kakaiba at makulay na character ng pinagpipitagang capital ng Japan.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Travels. Bookmark the permalink.

One Response to Turning Japanese

  1. Jean Cabrera says:

    Buti ka pa nakarating ng Tokyo, Japan. sa mga salaysay mo para na rin akong nakarating jan. sa mga nabasa ko totoo pala na sobrang disipilinado ang mga mamamayan jan. kaya maunlad ang bansa nila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s