29 Years Ago

Di ko akalaing ganun na pala katagal. Parang naidlip lang ako saglit, o huminga ng malalim o napuwing ang isang mata–pero 29 years na pala `yon.  Junior year ako sa college, araw ng Linggo noon, mag-a-alas dos ng hapon, sa kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay ng lolo at lola ko sa Diokno street, San Luis, Batangas. Naghahanda na akong lumuwas papuntang Los Banos, kung saan nag-aaral ako sa Unibersidad ng Pilipinas.

Tandang-tanda ko, tirik na tirik ang sikat ng araw nun, babago lang akong nanligo at inaayos ko ang aking backpack dahil paalis na nga ako. Nakabukas ang transistor radio na hiniram ko sa lola ko. Naka tune-in ito sa DZRH kung saan mayroong live coverage ng pagdating ni Ninoy Aquino sa Manila International Airport. Galing siyang US at nag-stop over daw siya sa Taipei at yun na nga, napakaraming espekulasyon tungkol sa banta sa kanyang buhay kapag dumating na siya sa Pinas.

Moments later, nagkagulo na. Di magkandaugaga si Joe Taruc sa pagbabalitang binaril daw si Ninoy sa tarmac ng airport. Lumabas ang pangalan ni Rolando Galman bilang gun man. Expected na ito ng nakararami, pero damang dama ko nun ang namumuong galit sa pamahalaang Marcos. Di man ako mahilig sa usapang pulitika, nung sandaling yun, may pangitain na ako sa mga magaganap na susunod na araw dahil sa sakripisyong ginawa ni Ninoy. Pinag-uusapan na ito noon sa UP. Papalapit na raw ang katapusan ng diktaduryang Marcos.

Fastforward sa kasalukuyan. Habang tina-tayp ko ito, nasa GMA online news na ang balitang na-recover na raw ang katawan ni Interior Local Government Secretary Jesse Robredo, matapos ang dalawang araw na paghahanap sa kanya sa karagatan ng Masbate nang mag-crash ang private airplane na sinasakyan niya patungong Bicol. Ayon sa GMA online news, sobrang tahimik daw ni Presidente Noynoy Aquino, ang  nag-iisang anak na lalaki ni Ninoy, nang ibulong sa kanya ang balita. Sa internet, nagsisimula na ang mga mournful tributes tungkol sa kagitingan at kadakilaan ng nasirang DILG Secretary.

Madali kong iniscan ang iba pang laman ng balita sa internet: nagpakamatay ang Hollywood Director (“Top Gun,” “Beverly Hills Cop,” etc.)  na si Tony Scott; may stage 1 kidney cancer si Zsazsa Padilla; natagpuan daw ang pugot na ulo ng katawan ng isang PAF pilot sa Bataan; may dalawang malakas na bagyo na paparating sa Taiwan. Oo nga pala, bakasyon ngayon sa Pinas, gaya ng taunang holiday simula nung 1983 ng ma-assassinate si Ninoy.

Di ko akalaing ganun na pala katagal. Parang naidlip lang ako saglit, o huminga ng malalim o napuwing ang isang mata–pero 29 years na pala `yon. Ano’ng mga nangyari sa akin sa loob ng 29 na taon? Naging mabuti ba akong tao? Kaibigan? Pilipino?

May tila bumubulong na boses sa loob ng utak ko. Sabi nito: tumanda ka, tumaba, naglakbay at nag-uumpisa kang maging manhid sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran. Tantanan mo nang pagmuni-munian ang kabayanihan ng mga nagpaka martir na Pinoy dahil hindi mo naman kayang gawin ang kahit gatiting lang ng kanilang mga sakripisyo. Hanapan mo na lang ng ibayong saysay at kabuluhan ang mga kababawan at kabaliwan mo sa buhay.

Matapos ang 29 taon, ganun pa rin naman ang mga tanong.  Hindi pa rin nagbabago ang mga kaguluhan, sakuna, mga takot, agam-agam at lungkot sa laman ng mga balita.

Maraming salamat, PDI. Ginamit ko ang file photograph nyo ni Ninoy sa blog entry kong ito. 

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Memories of Home, Reflections. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s