Linggo ng Hapon sa Chungshan North Road

Alas dos ng hapon at tirik na tirik ang sikat ng araw, parang pinaghalo-halong Divisoria, Greenhills at Metrowalk ang kahabaan ng Chungshan North Road, ang tinaguriang “Little Philippines” ng Taipei. Dahil sa narito ang St. Christopher Catholic Church, ito na ang nakilalang tambayan ng mga Pinoy dito sa capital ng Taiwan. Sa kalsada, nagkalat ang mga ibinebentang damit, relo, bag, sapatos, belt, tuwalya, beddings at kung ano-anong abubot na nagkakahalaga lamang ng mula NT$100 hanggang NT$500. Katumbas ito ng mahigit kumulang na Php150 hanggang Php650. Kumpol-kumpol ang mga Pinoy sa iba’t-ibang bahagi ng daan. Mayroong mga nag-lo-load ng kanilang mga Smart at Globe phones. Sa loob ng isang  7-11 convenience store, may nakita akong mga Pinoy na nagpapa-photo copy ng kanilang mga passport at ARC IDs. Ang huhusay nilang mag instik at talagang ka-tsika na nila ang mga service crew. Sa kalsada, iba’t-ibang dialects ang naririning ko–may Cebuano, Ilonggo, Ilocano, Bicolano at Chabacano. Pero syempre, pinakamarami pa rin ang mga nagsasalita ng Tagalog.

Sa EEC store kung saan may isang grocery na nagbebenta ng mga Philippine goods, may isang ale na hila-hila ang dalawang Amerkanong bata. “Oy, Ate, mukhang tangay-tangay mo na naman ang alaga mo,” sabi ng cashier habang nagbabayad ang Ale ng kanyang biniling pirated copy ng pelikulang “Ligo na You, Lapit na Me.” Sagot ng tila nagmamadaling ale: “Naku sanay na ang amo ko sa akin. Buti nga raw at nakakapasyal ang mga bata.” Kinurot ng cashier ang batang lalaki. “You are so cute! What’s your name, ha? You want candy?” Hindi ngumiti ang tila supladong Amerkanong bata. Masama nitong tiningnan ang cashier. “Aba, maldito!” biro ng cashier.” Natawa ang yaya nila. “May sumpong yan. Mainit kasi.”

Katabi ng EEC ang LBC, isang kilalang Pinoy remittance Center at padalahan ng mga balikbayan box. Maingay na nakapila ang mga kabayan habang naghihintay na tawagin sila ng teller. Kanya kanyang kuwento sina Ate at Kuya. Di ko napigilang mag-eavesdrop habang kumukuha ako ng isang libreng Pinoy newsletter. “Pangatlong intrega ko na ito sa aking batugang asawa,” bulong ng isang batang babae na sobrang kapal ng make-up. “Akala mo ba, nagpapasalamat ang walanghiya? Kahit isang text na thank you wala akong mahita!” Sagot naman ng kanyang kahunta habang nag-li-lipstick. “E ikaw pala ang gaga! Ba’t kasi nagpapadala ka pa! Kung ako sa yo, palitan mo na yang walang kwentang jowa mo!”

Sa susunod na block, may isang building na tinatambayan din ng mga Pinoy. Recently ko lang na-discover na may second floor pala ito. Umakyat ako para mag-isyoso at laking gulat ko–para nga syang pinaghalong Greenhills at Metrowalk. Parang hindi ako umalis ng Pinas. Samut-saring tindahan ang narito. May kainan ng mga Ilocano foods. Mayroon namang nagbebenta ng mga gamot mula biogesic hanggang Kremil-S at ponstan. May beauty parlor at maging mga lalaki ay nakapila para magpa-pedicure. Mayroon ding internet cafe, massage clinic, tindahan ng mga pinoy CDs, DVDs, romance novels, mga luma at bagong dyaryo at magasin. May kumpol ng mga Pinoy na nanonood ng ASAP sa “The Filipino Channel.”

May isang bulletin board kung saan nakapaskil ang iba’t-ibang uri ng  annnouncements. May nag-a-advertise ng taxi service papuntang airport. Marunong daw magtagalog ang driver. May nagbebenta ng Magic Sing, insurance, pabango, pampaganda–everything under the sun. Sa isang maliit na karinderia, nakapila ang ilan pang mga kabayan para bumili ng halo-halo. Sa isang sulok, may naghaharutang mukhang mag-syota. “Oy, kung maglalandian lang kayo, mag-short time na lang kayo,” sabi ng isang matandang babae. “Naku, delikado,” sabi nung lalaki. “Ka-ch-change name lang nito.” Naghalakhalan sa buong karenderia.

Sari-saring mga kuwento ang iyong maririnig kapag naglakad ka sa Chungshan North Road. Feeling ko minsan, nag-change location lang sina Ate at Kuya, pero pareho pa rin ang kanilang mga issue sa buhay. “Iyon nga lang,” sabi na rin nung babaeng nagbenta sa akin ng tuyo. “Mas kumikita tayo rito.”

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Taiwan Life, Uncategorized. Bookmark the permalink.

2 Responses to Linggo ng Hapon sa Chungshan North Road

  1. nymfs says:

    hi ronald! nakakaaliw pala pumunta dyan sa chungshan north road…. sayang at di ko narating ang lugar na yan ;))

  2. hi nymfs. oo, nakakaaliw pumunta rito. parang di ako umalis ng pinas.🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s