Isang Linggong Pista

As of 7:59 ngayong umaga, ang mga sumusunod na pagkain ay nagsisiksikan lahat sa aking fridge: relyenong bangus; kalderetang baka; bistek tagalog; lechong kawali; ginisang ampalayang may itlog; pinakbet; pork barbecue at turon na may lamang saging at langka. Simula noong linggo, araw-araw kong tinitikman isa-isa ang mga pagkaing ito . Kukuha ako ng tig kokonti sa mga nasabing pagkaing Pinoy at ilalagay ko ang mga  ito sa microwave oven.  Kasabay pagsubo ng mainit na kanin na ako rin ang nagsaing, napapapikit ako talaga sa sarap hindi lang dahil sa sobra ko nang na-miss ang mga pagkaing ito kundi dahil sa ang mga ito ay  nagbabalik ng sanlaksang  alaala ng aking kabataan.

Rewind lang tayo ng konti. Paano ako nagkaroon ng ganyang karaming pagkaing Pinoy sa aking ref? Ganito yun. Noong isang linggo, kasama ko ang aking kaibigang si Cat na tiga MECO. Sa aming kuwentuhan, natanong ko sa kanya. Paano ka kako kumakain sa office? Nagbabaon ka ba,  nagluluto o kumakain na lang sa canteen? Ang sagot ni Cat: “Nagbabaon ako. Linggo pa lang, bumibili na ako ng isang linggong supply ng pagkain dun sa Pinoy store na malapit sa St. Christopher church. Inire-ref ko,  iniinit at binabaon ko  araw-araw.” Parang may light bulb na umilaw sa utak ko. Parang may mga lusis na sumindi sa harap ko at nagliwanag lahat.  Oo nga ano, sabi ko sa sarili. Di ko pa nagagawang kumain o mag take out ng pagkain sa mga Pinoy stores sa may Chungshan North Road road. So, nitong nakaraang linggo, matapos kong bumisita at magdasal sa St. Christopher church, pinasok ko ang isang kainan na ang tawag ay “Philippine Cuisine.” Sa pinto pa lang, pakiramdam ko, nasa isang kainan lang ako sa Paranaque.

“Kuya, kain na. Anong ulam mo?” bungad sa akin ng babaeng nasa counter. At home agad ako. At yun na nga, isa-isa akong nagtuturo ng mga pagkaing pinanabikan ko ng matagal na panahon. Inabot lahat ng $NT500 ang aking napamili, so kulang-kulang din pitong daang piso ang napamili ko. Pigil na pigil pa ang aking pamimiling yun kasi sabi ko sa sarili, hindi ako dapat magpaka-bondat.

Kaya araw-araw simula nung Lunes, para akong ipinaghehele-hele sa duyan sa sarap na aking nararamdaman habang isa-isa kong tinitikman ang mga pagkaing Pinoy. Para talaga akong na deprive. Tuwing tumitikim ako ng relyenong bangus, naaalala ko ang mga pistahan sa bukid at ang aking mga pagkain sa Barrio Fiesta, Josephines at maging sa mga karenderia ng Los Banos at Maynila. Samantala, ang kalderetang baka naman ay laging handa sa amin tuwing piyesta. Masarap magluto nito ang lolo ko. Nilalagyan nya pa yun ng liver spread at pickles para mas lalong sumarap.  Ang bistek tagalog naman ay nagbabalik ng mga alaala ng aking elementary at high school days kung saan yan ang malimit naming i-ulam na mga magkakaklase noon. Hindi ako mahilig sa lechon. Kalimitan, balat lang ang aking kinakain. Pero nung matikman ko ang lechong Cebu, para akong nanalo sa lotto. Ang ginisang ampalayang may itlog ay isa rin sa aking mga all-time favorites dahil ito ang kalimitang niluluto sa aming bahay noon. Hanggang sa magtrabaho na ako sa Maynila, ito pa rin ang malimit kong bilhin kapag lunchbreaks sa aking mga napasukang opisina.  Espesyal naman sa akin ang pinakbet dahil hindi ko ito malimutan nang matikman ko ang original version nito nung unang biyahe ko sa Ilocos. At syempre, ilang merienda at himagas sa buhay ko ang napasarap dahil sa kakaibang kombinasyon ng prinitong saging na saba, langka at asukal.

Kuhang kuha ng mga nabili kong pagkain ang totoong Pinoy na lasa at flavor ng mga ito. Mga pagkain na recently ay napapanaginipan ko na–at sinasabi sa sariling dapat ay mapasama sa aking bucket list ng mga pagkaing dapat muling lasapin at tikman bago ako pumanaw.

Delikado ang bagong bisyo kong ito. Sana ay hindi ako masanay dahil baka lalo akong tumaba. Pero sabi ko sa sarili ay dapat paminsan-minsan naman ay pagbigyan ko rin ang aking mga food cravings. Nakakasawa na ring kumain araw-araw ng noodles, siopao at dumplings. Sa aking susunod na pagbalik sa  Pinoy restaurant sa may Chungshan North Road, humanda kayo–tuyo, dinuguan, bagnet at leche flan. Di ko kayo uurungan.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Food, Taiwan Life. Bookmark the permalink.

2 Responses to Isang Linggong Pista

  1. didit says:

    sobrang akong inggit, ronald !

  2. Didit, sigurado akong mayroon din ng mga pagkaing ito sa Tainan. Mag-take out ka minsan.🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s