Ang Mga “Mainland” Tourists

Madali lang silang maispatan. Sunod-sunod na malalaking bus sila kung dumating. Kumpulan sila lagi. Malayo pa ay dinig mo na ang kanilang ingay. Tsikahan sila ng tsikahan at grabe silang maghalakhakan. Wala na silang ginawa kundi magkodakan. Kung nakakaintindi kayo ng salitang instik, mapapansin ninyo na iba ang kanilang punto kesa mga native na Taiwanese. E kasi nga, hindi sila tiga Taiwan. Mga turista sila galing Mainland China.

Sa pamumuno ni President Ma, nagsimulang magbukas ang bansang Taiwan sa mga turista ng Mainland China noong 2008. Pero may mga restrictions. Mga tiga Beijing, Shanghai at Xiamen lang ang pwedeng pumunta rito. At mahigit na 500 daan lang kada batch ang maaaring pumunta sa isla ng Taiwan. Simula noon, mayroon na raw 2.3 million na mga “Mainland Tourists” ang nakapamasyal na sa Taiwan. Ang bilang na ito ay nakapag-akyat diumano ng mahigit na $NT91 billion sa bansa. Noong April 28, mas ni-relax pa lalo ng gobyerno ang kanilang cross-strait policy sa Mainland China dahil mula sa tatlong malalaking siyudad sa Mainland, binuksan at pinalawig pa nila ang pagpasok ng mga turista sa anim pang siyudad. Ito ay sa Tianjin, Chongqing, Nanjing, Guangzhou, Hangzhou at Chengdu. Buhat sa 500 tourists a day kada batch, ginawa na nilang 1,000 ang bilang ng mga turista na pwedeng pumasok sa Taiwan galing Mainland China. Bukod pa rito, pinayagan din nila ang pag-aaral ng mga 2,000 students na tiga Mainland sa may 100 unibersidad dito sa Taiwan. Ayon sa mga experts, in two years time daw, fully opened na ang pinto ng bansang Taiwan sa mga turista ng Mainland China.

Siyempre, hindi sang-ayon ang karamihan sa mga Taiwanese sa mga pagbabagong ito, lalong lalo na nga ang mga miyembro ng oposisyon. Marami akong kinausap na Taiwanese at karamihan sa kanila ay very vocal sa kanilang pagkontra sa policy na ito ng kasalukuyang pamahalaan ng Taiwan. May mga nagsasabing ito na raw ang katapusan ng kanilang “autonomy.” Unti-unti na raw nawawala ang kanilang nationalist pride–ang kanilang pagiging Republic of China o ROC. Medyo mabigat at malalim ang kanilang paliwanag dahil dito nakapako ang political ideology ng mga Taiwanese. Kung sisimplehan ko ang paliwanag ayon sa aking pagkakaunawa, parang ganito yun. I-p-personify natin sila. Close na magkapatid dati ang Mainland China at Taiwan. Tapos may di sila napagkasunduan. Lumayas ang Taiwan at gumawa ng sarili niyang buhay. Umangat siya at yumaman. Nung yumaman na siya, bumabalik si Mainland China sa kanya. Sumusuyo. Pero matapang at matigas na ang Taiwan. Ang gusto niyang mangyari, magsaulian na lang ng kandila. Ayaw namang pumayag ng mas malaki at mas nakatatandang kapatid na si Mainland China.

Kaya para sa ilang mga Taiwanese, unsettling itong unti-unting pagdagsa ng mga tiga Mainland China sa kanilang bansa. Bagama’t naiintindihan nilang nakakapag akyat nga ito ng dolyar sa kanilang kabang bayan, marami ang may agam-agam sa maaaring maging long-term effect nito sa kanilang maliit na isla.

Samantala, unti-unti na rin akong nasasanay na maharang ng mga turistang ito kapag naglalakad ako sa park o sa kalsada. Magalang naman silang nag-e-excuse me at nag re-request kung pwede ko daw ba silang kunan ng picture. Syempre pinagbibigayn ko naman sila. Ganyan din naman ako pag may ipinapasyal na kaibigan dito sa Taipei. Wala na rin kaming ginawa kundi mag-kodakan.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Taiwan Life, Trends. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s