CNN’s “Eye on the Philippines”

Nasa Pilipinas ngayon ang CNN reporter na si Anna Coren para i-feature ang ating bansa sa kanyang “Eye On” series. Limang araw ko nang sinusubaybayan ang mga reports ni Anna at ng kanyang 10-member team at araw-araw, iba’t-ibang anyo at istorya tungkol sa Pilipinas ang aking napapanood. Para sa isang international news corporation na mayroong mahigit na 280 million viewers sa buong mundo, ang paulit-ulit na pagpapalabas ng “It’s More Fun in the Philippines” campaign ng Department of Tourism at ang halos 20-minutong pag-f-feature tungkol sa iba’t-ibang istorya sa ating bansa araw-araw ay totoong big deal at maituturing na isang malaking boost sa ating public image as a country.

Paulit-ulit na sinasabi ng Australyanong CNN Reporter sa kanyang on-cam spiels na napakalaki ng potensyal ng Pinas para umunlad. “Promising” ang lagi niyang binabanggit na salita at bina-back-up niya ito ng figures na galing sa World Bank (US$4,100 GDP per capita in USD). Nang itanong ng kanyang colleague na si Pauline Chiu (CNN anchor na naka base sa Hong Kong) na “what is it about the Philippines that impressed you the most?” Walang kaabog-abog na sinabi ni Coren na “It’s the people. ” Lagi raw tayong nakangiti. Magalang daw tayo at laging nag m-“ma’am” at nag “s-sir” at punong-puno raw tayo ng pag-asa.

Pero hindi naman daw tayo uunlad bilang isang bansa kung ang ating asset lang ay ang ating matatamis na ngiti at positive na attitude sa buhay. Sa mga interbyu, paulit-ulit ding binanggit ang kakulangan natin sa insfratructure, ang talamak na korupsyon at lumalalang peace and order situation bilang mga pangunahing dahilan kung bakit hindi umuusbong ang ating turismo. Ayon nga kay Coren, noong isang taon daw, may apat na milyong tourists ang nagpunta sa Pinas. Maliit na bilang lang ito kumpara sa more than 20 milyon tourists na nagpunta sa Thailand noong isang taon.

Hindi lahat ng mga na-feature na istorya sa “Eye On the Philippines” ay good news. Ang kanilang feature tungkol sa “Pagpag,” ang pagbebenta natin ng mga recycled na pagkain galing sa mga fastfood chains, ay toto0ng nakaka-disturb, lalo na noong finocus pa ng camera ang close up shot ng isang uhuging bata na sarap na sarap na kumakain ng isang recycled chicken drumstick. Kitang-kita rin ang isa sa mga ugat ng ating population problem ng i-feature nila ang kontrobersyal na Reproductive Health Bill at ang impluwensiya ng ating simbahan sa pagpasa at pagpapatupad ng ating mga batas. Na-feature din ang mga Filipino seamen na na-hostage ng mga pirata sa Africa at kahit mangiyak-ngiyak nilang ni-recall ang kanilang mapait na ordeal sa barko kasama ng mga  malulupit na pirata, sinabi pa rin nila na hindi naman daw sila nadadala. Babalik at babalik pa rin silang magtatrabaho sa barko. “Sacrifices have to be made for our families,” sabi nung Pinoy seaman na nainterbyu.

Bagama’t maraming images ng squatters area, gitgitang trapik at marurusing na bata ang pinakita habang ini-intersperse ito sa mga spiels at interbyu, mayroon din namang mga kwento na nagpapakita ng kaunlaran at pag-asa. Napanood ko ang interbyu nila sa magkapatid na business Taipans na sina Augusto at Fernando Zobel de Ayala na nagsalita tungkol sa pamamalakad nila sa Ayala Corporation, ang may-ari ng Mekeni foods at ang kanyang success story, at kahit mismong si PNoy na nagsalita tungkol sa diumano’y umuusbong daw na ekonomiya ng ating bansa. Mayroon din silang ginawang feature tungkol sa patuloy na lumalagong call center industry na diumano’y nahigitan na raw ang bansang India sa pagiging call center capital of the world. Matatatas ang mga ininterbyung call center officers at employees at karamihan sa kanila’y talagang may twang at American accents pa.

Kaninang umaga, napanood ko naman ang isang inspiring feature na pinamagatang “From Bleak to Ballet,” isang project ng prima ballerina na si Liza Macuja kung saan ilang scholars ng kanyang ballet school ay galing mismo sa squatters area ng Tondo, Manila. Ilan sa mga ballet students na nainterbyu ang nagsabing nakikita nila na ang pagbabago ng kanilang buhay ay malapit nang maganap kapag pinagpatuloy nila ang seryosong pag-aaral ng ballet.

Magkakahalong ambivalence, lungkot, pride at saya ang aking nadama nitong huling limang araw habang pinapanood ko ang “Eye on the Philippines” one-week series ng CNN. Sabi ko sa sarili, hindi ko siguro ito gaanong mararamdaman kung sa Pilipinas ko ito pinanood. Pero dahil sa nasa ibang bansa ako, mas dama ko ang mga episodes na pinalabas ng CNN tungkol sa ating bansa.

Matalas na kumagat ang aking pananabik sa Pinas.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Events, Reflections, TV. Bookmark the permalink.

One Response to CNN’s “Eye on the Philippines”

  1. rey manalo says:

    ahhh,Pilipinas kong minumutya, pugad ng luha ko’t dalita, makita ka sanang sakdal laya! Kailan kaya lalaya ang Pilipinas sa kahirapan?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s