Papa Gio

Nadiskubre ko ang Papa Gio Italian restaurant dito sa Taipei dahil sa aking matinding kagutuman. Sandali, rewind lang tayo ng konti. Noong isang linggo, nasa Eslite bookstore ako sa Dunhua branch. Nakakaramdam na ako ng gutom pero sabi ko, dito na lang ako sa fastfood basement kakain. Magpapagutom pa ako. Matapos kong tumingin sa saksakan ng daming cookbooks na bawa’t larawan ng pagkain ay talaga namang katakam-takam, bumaba na ako para mag dinner. Pero hindi ko nagustuhan ang hitsura ng mga pagkain sa baba. Puro matataba at malalangis ang mga ulam. Sayang naman ang pagkain ko ng mga salad at prutas ng ilang linggo kung tatambakan ko lang ang sarili ko ng masesebong pagkain.

Naalala ko, maraming fine dining restaurants dito sa Dunhua district, so dali-dali akong lumabas at nagsimula nang mag scout ng di lang disente, pero talagang maayos na makakainan. Dalawang restaurant ang inattempt kong pasukin. Pero nasa pintuan pa lang ako ay napaurong na kaagad ako. Yung una, masyadong high end. Mga naka coat and tie ang mga tao. Ang mga babae, naka gown at nagkikinangan ang mga alahas. Sabi ko sa sarili, oopps, X yan. Hindi lang ito nakaka-intimidate, pagmumukhain at gagawin pa akong pulubi ng restaurant na ito. Ang sumunod naman na restaurant ay punong-puno. Naka pila ang mga tao at base sa kanilang bilang, aabutin na ako ng madaling araw bago ako mapagsilbihan.

Sa kalalakad ko, kakakanan at kakakaliwa, nakarating ako sa number 22 alley 6, lane 170 at dito ko nakita ang “Papa Gio” Italian restaurant. Aba, okay kako ito. Hindi puno at mukhang hindi nakaka intimidate. Tingin-tingin muna ako sa menu na naka display sa labas. Okay rin ang presyo. Hindi naman siya mura pero hindi rin siya mahal. Sugod, kapatid, sabi ko sa sarili. Pasok ako at imbes na batiin ako sa salitang instik o salitang ingles ng kanilang Taiwanese staff, ang nakangiti niyang bati sa akin  ay “Buona sera!” Uy, Italian si Kuya, sabi ko.  At home agad ang pakiramdam ko.

Table for one, please, sabi ko.

“This way sir,” sabi ni Kuya at sinamahan niya ako sa loob kung saan may apat na bakanteng mesa. Itinuro ko agad ang corner table, at tumango naman ang waiter. Agad niyang kinuha ang menu. Matagal na akong di nag-c-carbs so sabi ko, mag-pa-pasta ako this time. Pagkatapos ng mga dalawang minuto kong kababasa ng kanilang Italian menu, nag-order ako ng spaghetti con salsicciana e pomodoro, Italian sausages in tomato sauce. Umorder din ako ng kanilang house red wine. Umalis ang waiter at nagsimula na akong magmasid.

Maganda ang interiors ng lugar. Para siyang old country house na maraming hand crafted pillow cases at lounge chairs. Ang cozy rin ng kanyang lighting at nakakaaliw pakinggan ang mala-Pavarotti na singer na naghihihiyaw ng isang operatic aria–malamang tungkol sa pag-ibig na nasawi. Tiningnan ko ang mga tao. Ninety percent sa kanila ay puti. At parang dalawa lang ang namataan kong Amerikano. Mukhang Europeans at Australians ang iba. Kakatuwang pakinggan ang iba-ibang lengwahe at accents galing sa apat na sulok ng restaurant. May nakita rin akong isang bombay na mag-isang tuwang-tuwang kumakain ng pizza. Sa aking tabi, may dalawang babaeng Taiwanese na mukhang mga fashion designers. Pinagtatalunan nila ang drawing ng isang damit pangkasal habang umiinom sila ng tsaa.

Maya-maya ay isa-isa nang nagdatingan ang mga pagkain: una, ang focaccia bread with olive oil and balsamic vinegar, kasabay ng house red wine, at sinundan ito ng spaghetti con salsicciana pomodoro na umuusok-usok pa straight from the kitchen. Nilabas ko sa aking backpack ang librong aking binabasa, ang “1001 Ways to Relax” ni Mike George. Turning to page 152, para namang isinulat ang suggestion number 352 para sa akin: “Invite yourself round for dinner and treat yourself to your favorite meal.” Panay ang lapit sa akin nung isang babaeng waitress para punan ang aking baso ng tubig. Kaya sinimulan ko siyang kausapin.

Eto ang mga impormasyong nakalap ko sa kanya. Dalawang Italyano raw ang may ari ng restaurant. Sina Giorgio Trevisan at Matteo Boschiavo, na siya ring tumatayong chef sa Papa Gio restaurant. North Italian cuisine daw ang specialty ng restaurant na ito, bagama’t kung mag-re-request ka ng Italian meals from other regions of Italy ay maluluto rin daw ito ng chef. Sabi pa nung waitress, bago lang daw ang kanilang menu.

“So how do you like your meal sir? ” Tanong niya.

Delizioso!” sabi kong natatawa. Nakitawa na rin ang waitress.

“Hope you come back,” sabi niya.

“I certainly will.” Sagot ko.

Iniwan niya ako habang patuloy akong nag-multi-tasking. Nagbabasa habang kumakain, nag-e-eavesdrop habang nagmamasid. Perfect way to cap a Sunday evening.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Food, Taiwan Life. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s