Ang Babae sa Pasay Road

Pag hindi ako nagkakamali, mga 2005 ito nangyari. Galing akong Ortigas kung saan ako noon nag-o-opisina at nang uwian na, napansin ko ang tindi ng siksikan ng mga tao na sumasakay sa MRT sa crossing. Nag-decide na lang akong mag-bus para diretso na akong bababa sa Bicutan. Siyempre, sa tindi ng traffic, inabot na ako ng dilim sa daan. Pagdating namin sa SM Makati, bumper to bumper na talaga ang mga sasakyan sa EDSA at ang dami ng pasaherong sumakay sa bus na sinasakyan ko. Sa katunayan, tayuan na nga. Umiinit ang ulo ko sa mga ganitong eksena kasi matindi ang aking claustrophobia. Hindi ako makahinga sa mga siksikang lugar. Tumataas ang aking blood pressure. Nag-h-hyper ventilate ako at nagkakaroon ako ng anxiety o panic attacks. Sa pagkakataong ito, na save by the bell ako ng isang babae na umakyat sa bus.

Sa aking kalkulasyon, mayroon na siyang mga 35 taong gulang. Naka-duster lang siya at naka tsinelas at ang unang sumagi sa isip ko ay, siguro nung mga 23 anyos ang aleng ito, ang ganda niya. Kita pa kasi ang mga marka ng karikitan sa kanyang mukha bagama’t halatang napabayaan na niya ang kanyang sarili. May katabaan na siya at mukhang di man lang nagsuklay. Dire-diretso niyang pinuntahan ang kunduktor ng bus na noong mga sandaling yun ay abalang abala sa pagbibigay ng tiket at pagsusukli sa mga nagsisiksikang pasahero. Nagulat na lang kaming lahat ng magsisigaw at magagpapalahaw ang babae sa kunduktor.

“Hayop ka! Tarantado ka! Binalewala mo ang pag-ibig ko!!!” Those were her exact words, at sa aking natatandaan, parang dalawang segundong tumigil ang movement ng mga tao sa loob ng bus. Tapos, sinundan ito ng mga malalakas na hagikhikan.

Nagulat ang kunduktor. Napatingin kaming lahat kay Kuya. Ang una niyang sinabi: “Hanggang dito ba naman sa trabaho, sinusundan mo ako? May sayad ka na talaga ano? Umuwi ka na! Sa bahay na lang tayo mag-usap! Hindi ka ba nahihiya niyan?”

“Wala akong pakialam!” Sigaw ng babae. Payuloy siyang nagngangawa.

Naka-red pa rin ang traffic light sa intersection ng EDSA at Pasay Road, at ngayon, kuhang kuha na nina Ate at Kuya ang atensyon naming lahat. Hitsura lang ng MMK sa eksenang aming pinapanood. This is life imitating art, bulong ko sa sarili. Nagpatuloy sa pagsigaw at pagtili ang babae. Sinasampal at binabatukan niya ang kunduktor habang tulo ang kanyang sipon at luha. “Binigay ko sa yo ang lahat, ito pa ang isusukli mo!”

By this time, nakisali naman ang driver ng bus sa eksena. Sinigawan niya ang kunduktor. “Pare, ano ba yan? Bawal ang eskandalo dito! Masesesante tayo nyan e. Pababain mo na yang luka-lukang yan!”

Pagkatapos noon, ang dami-dami nang nagpatong patong na boses buhat sa mga pasahero. May nagsasabing tumawag daw ng pulis. May mga babaeng nakikiusap sa babae na kumalma lang. May mga naglabas na ng telepono at tuwang tuwang kinukunan ng video ang eskandalong nagaganap. Maya-maya, kitang kita kong kinaladkad ng galit at napahiyang kunduktor ang babae at pinagtulakan sa labas ng bus. Kitang kita ko rin ang pagkakalugmok ng babae sa daan.

As if on cue, nag-green na ang traffic light at isa-isang umusad ang mga sasakyan kasama na ang bus na aming sinasakyan. Tumawid na kami sa Pasay Road at di ko na natanaw ang babaeng eskandalosa. Patuloy pa ring naghahagikhikan ang mga pasahero. Kanya-kanyang opinyon sa kanilang eksenang nasaksihan.

“Grabe, ang haba ng hair ni Kuya,” sabi ng isang bading na nasa likod ko.

“May ginto siguro ang ari nun,” comment naman ng isang lalaki sa harap ko.

May mag-asawang nasa tapat ko. Sabi nung lalaki sa asawa niya. “Huwag na huwag mong gagawin yun, ha. Patay ka sa akin.”

Sagot naman ni Mrs. “Uy, may poise naman ako, no? Pero subukan mo lang magloko. Di lang ganyan ang aabutin mo.”

Nang makauwi ako sa bahay, di ko matanggal sa isip  ang nasaksihan kong eksena sa may Pasay road. Nakakaawa ang mukha niya ng ipagtulakan siya ng kunduktor palabas ng bus. Ano kaya niya nyun? Asawa, lover o boyfriend lang? Napaisip din ako sa manipis na linyang naghahati sa pagmamahal at pagkasuklam, at sa lakas na kapangyarihan ng pag-ibig di lang bilang armas na pwedeng magsilbing inspirasyon kundi makawasak din ng isip at damdamin. Naisip ko rin ang violence against women at kung ilang babae sa mundo ang nakakaranas ng mga sakit na naranasan niya.

Parang malalim na balon ang babae sa Pasay road. Marami tayong masasalok na mga mensahe at leksyon sa mga komplikasyon ng kanyang makulay na buhay.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Memories of Home, Reflections, Relationships. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s