Road Trip to Hualien

Galing Taipei city, apat na oras ang biyahe patungong Hualien, ang Eastern coast ng Taiwan. Balikan, walong oras kaming nasa daan. Kalahati ng biyahe, dinaanan namin ang tila walang katapusang zigzag road paakyat at pababa ng Taiwan central mountain range kung saan sa tabi ng mga nagtataasang bangin makikita ang napakagandang view ng Pacific ocean.

Napalano ang biyahe ko sa Hualien sa imbitasyon ng aming company driver na si Mr. Ho. Nang malaman niyang naghahanap ako ng magagamit na pictures para sa aming publications sa opisina, nag-offer siyang samahan ako sa kaniyang farm. Ipapasyal na rin daw niya ako sa mga magagandang spots sa probinsya para makapagkuha ako ng maraming litrato. May isa lang maliit na hitch nung pinaplano namin ang trip. Hindi gaanong nakakapag-ingles si Mr. Ho at hindi rin ako gaanong nakakapag-intsik. Hindi ko alam kung paano kami magkakaintindihan pero sabi ko ay bahala na.

Pero yung mismong language limitation ang naging dahilan kung bakit naging masaya ang biyahe namin. Sa pamamagitan ng sign language at barok na pagsasalita ng ingles at instik, naging nakakatawa ang paliwanagan namin tungkol sa mga bagay-bagay na gusto kong malaman sa Hualien. Halimbawa, nang ipinapaliwanag niya sa akin na ang aming pinuntahang isang napakagandang eco-farm ay isa palang open prison at mga convicts ang nag-m-maintain nito, iminwestra niya sa akin ang kanyang mga kamay na kunyari naka-posas at mga limang minuto ang dumaan bago ko ito na-figure out. Ang buong biyahe ay naging isang mistulang English class para kay Mr. Ho at isa namang Chinese class para sa akin.

Wala talaga kaming rigid na itinerary. May mga ilang lugar lang na naisip ni Mr. Ho na dapat kong makita. Bukod dito, ang instruction niya sa akin, sabihan ko lang daw siya kung gusto kong itigil ang sasakyan anytime na may mag strike sa aking magandang view.  So, ganun na nga ang nangyari. Anytime at may makikita akong magandang palayan o taniman ng gulay, pinatitigil ko si Mr. Ho sa pagmamaneho at bumababa kami para magkuha ako ng picture. Super sakay naman siya sa mga trip ko kasi di lang isang beses, pinatigil ko siya sa pag-d-drive at di niya maintindihan kung bakit. Natawa na lang siya pag nakita niya akong humihiga sa daan dahil gusto kong kunan ang isang mahaba at malawak na kalsadang walang sasakyan.

Ang una kong napansin sa Hualien, bukod sa kanyang maraming views na talaga namang pang National Geographic, ay ang katahimikan ng lugar. Nang lumagpas na kami sa Hualien city at pinasok namin ang countryside, wala ako halos makitang tao. Walang sasakyan sa mga malalapad na daan. Ang mga bahay, puro nakasarado. Wala ring nagtatrabaho sa mga malalaking taniman ng mga gulay at prutas. Mr. Ho, this place has no people! Where are they? Tanong ko. “I don’t know,” sabi niya. Hen anchin, dagdag pa niya. Hinalughog ko ang lumang baul ng Chinese-English glossary sa aking utak. Alam ko ang ibig sabihin noon: “Very quiet.”

May pinuntahan kaming isang national park na talagang napa-wow ako. Patag lang siya na park na nakaharap sa central mountain range ng Taiwan pero sa paanan ng park ay punong-puno ito ng ekta-ektaryang makukulay na bulaklak. Parang eksena sa “Dreams,” isang lumang pelikula ni Akira Kurosawa. May pinuntahan din kaming isang tagong ilog. Maliit lang ang lugar pero dito, marami kaming nakitang mga turista. At di na ako nagtaka kasi pang postcard ang view–mga puno at bundok na sumasalamin sa malinaw na tubig habang sa dulo ay may isang burol na tinubuan sa tabi ng mga daan-daang wild flowers. Tumigil din kami sa  Jiqu bay na dalawang beses naming dinaanan kung saan kinunan ko ng picture ang lugar mula sa taas ng mga higanteng bangin. Kahit sa mataas na lugar na tinayuan ko, dinig na dinig ko ang malalakas na hampas ng malalaking alon sa mga naglalakihang bato.

Sabi ko sa sarili, years from now, sa mga images na ito ko matatandaan ang Hualien, ganundin ang napakatahimik nitong mga bukid kung saan pagaspas lang ng mga dahon at mga huni ng ibon ang aking narinig.

Ilan sa mga nakuha kong pictures sa Hualien ay naka post sa aking Facebook account.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Taiwan Life, Travels. Bookmark the permalink.

5 Responses to Road Trip to Hualien

  1. Tux Siddayao says:

    sir post mo nga mga pics sa fb mo, tag mo na lang ako. Happy Easter!!!!

  2. rey manalo says:

    🙂

  3. Jean Cabrera says:

    Hi Ronald, sa ganda ng blog mo para na rin akong nakarating sa Hualien. Ang ganda naman ng lugar na yan, parang fantasy pero tototo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s