180-Degree Turn

Porn star na naging preacher, addict na isa na ngayong retreat master, gay couturier na naging isang monk. Ilan lamang yan sa mga kuwento ng pagbabago mula sa buhay na magulo at madilim patungo sa katahimikan at  liwanag. Mga taong tumalikod sa kanilang mga dating gawi at nag-reform hindi lang 45, 60 or 90 degrees. Talagang 180-degrees–direksyong umarko at kumurba sa kabilang ibayo at naging kabaligtaran ng kanilang dating ginagawa. Paano nangyayari ito?

Kalimitan sa mga nababasa at napapanood kong dramatic transformations ng mga tao sa dyaryo, telebisyon at pelikula ay puro religious in nature. Kwento ng mga taong sumadsad at nalugmok sa dusa–nag hit ng rock bottom, tapos parang ginising at kinalabit ng Diyos sa matagal nang pagkakaidlip. Biglang-bigla, nag-iba na ang kanilang direksyon sa buhay. Mayroon namang ilan na hindi nakakaranas ng epiphany. Basta nagsawa na lang sila sa kanilang buhay at biglang nagdesisyon na magbago na. Kumawala na lang sila bigla sa kanilang mga comfort zones at nagkaroon ng lakas ng loob na tahakin ang landas tungo sa pagbabago. Parang mga chain smokers na biglang nag-quit ng cold turkey.

Anong nagtulak sa kanila na gumawa ng 180-degree turns? Nabanggit ko na ang pagsadsad o paglugmok. Nandyan din ang pagsasawa sa dating nakagawian. Napagod na lang. At mayroon ding mga taong natatagpuan na lang ang kanilang mga sarili sa mga ipit na ipit na sitwasyon, at ang choice na lang nila ay ang magbago o ang magdusa habang buhay. Mayroon namang terminal illness, paghihiwalay ng mahal sa buhay, unemployment, pagpunta sa bagong lugar, at marami pang iba.  Ano man ang dahilan, nakaka fascinate pagmuni-munian ang kanilang transformations dahil bilang mga creatures of habit, bihira na mangyari ang mga ganitong uri ng pagbabago. May mga taong kung ano sila 50 years ago ay ganun pa rin sila ngayon–doon pa rin nakatira, pareho pa rin ng kinakain, pareho ang pang-araw-araw na ritwal. Pero sa mga taong nagkaroon ng 180-degree turn sa buhay, automatic na nag-iiba ang kanilang daigdig.

Hindi ko tuloy mapigilang isipin ang walang katapusang debate at argumento tungkol sa kapalaran. Tao ba ang gumagawa nito o talagang may itinakdang lugar para sa atin? Noong bata pa ako, ang lakas ng paniniwala ko na ako at ako lang ang may hawak ng manibela ng buhay ko. Pwede akong umurong, umusad, lumiko, bumilis o bumagal. Pero habang tumatanda ako, mas naniniwala ako na hindi lang sarili ko ang nagmamaneho ng direksyon ng aking buhay. May mas mataas pang kapangyarihan na gumigiya sa aking daan. Na kapag ako’y naliligaw, naiilawan ang aking bako-bakong kalsadang tinatahak patungo sa mas patag na landas. Sa mga ganitong pagkakataon ko na re-realize na hindi ko rin pala hawak ng lubusan ang aking buhay. Na siya namang totoo dahil tayong lahat naman ay mga parokyano lang sa mundong ito.

Malalim at matagal ang proseso ng paglilimi na pinagdaanan ng mga taong nagkaroon ng 180-degree turn sa kanilang buhay. Nagsisimula ang lahat sa pagmumuni-muni at pagninilay-nilay. Sabi nga, “a life unreflected is a life unlived.” Ang buhay na hindi pinagnilayan ay parang buhay na walang saysay o kahulugan. Humihinga ka lang, pero wala kang buhay.

Hindi man kasing drama ang buhay natin sa mga taong nagkaroon ng 180-degree turn, pareho lang naman ang ating layon–ang mapabuti ang ating buhay ayon sa itinakda sa atin ng Maykapal. Sana’y hindi na tayo mag-hit ng rock bottom para mabago natin ang ating mga maling gawi. Sana’y hindi na tayo mawalan ng mahal sa buhay, o makaranas ng trahedya, sakuna o disgrasya para mauntog at matauhan.  Sana’y mahanap nating lahat ang kahulugan at kabuluhan ng ating paglalakbay.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Memories of Home, Reflections. Bookmark the permalink.

2 Responses to 180-Degree Turn

  1. nymfs says:

    very well said ronald! i like the last paragraph😉

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s