The Grey

Marami ng pelikula ang tumalakay tungkol sa mga plane crash survivors at kalimitan sa mga ito ay nag-f-focus sa triumph of the human spirit–yung kakayahan natin bilang tao na malagpasan ang mga pagsubok through sheer willpower o di kaya ay sa pamamagitan ng matinding pagdarasal. Pero itong “The Grey,” ang latest adventure/suspense na pelikulang pinagbidahan ni Liam Neeson, ay kakaiba kasi itinulak pa ang istorya sa mas mataas na antas at nagtanong: paano pag di umubra ang kapangyarihan ng dasal? Paano pag sumigaw ka sa Diyos at walang sagot kundi ang lupit ng kalikasan?

Maraming elemento sa pelikulang “The Grey” ang talaga namang makapigil hininga. May mga eksenang mapapakapit ka sa iyong upuan dahil sa tindi ng suspense o mapapapikit  na lang ang mga mata mo dahil sa lupit ng pinagdadaanan ng mga plane crash survivors–pawang mga lalaki na papunta sa kanilang pinagtatrabahuhang oil rig. Nang matagpuan nila ang kanilang mga sarili sa gitna ng isang remote Alaskan wilderness, nagsimula na ang kanilang pagdurusa. Okay lang sana kung lupit lang ng snowstorm ang kanilang hinarap. Frost bite at hypothermia lang  dapat ang kanilang magiging kalaban. Pero  sa kalagitnaan ng snowstorm ay binulaga sila ng mga naglalakihang  aso o wolves na gutom na gutom sa laman ng tao. Kahit saan sila magpunta ay sumusunod ang mga ito at isa-isa silang pinapatay at kinakain.

Isa sa mga crash survivors si Ottway, na ginampanan ng buong husay ni Liam Neeson (na sa edad na 60, ay lumalaban pa rin bilang isa sa pinaka marketable action at dramatic star ng ating panahon). Isa siyang expert sa pagpatay ng mga wolves dahil  ito ang trabaho niya bilang security guard sa Alaska. Dahil sa kanyang expertise, siya ang tumayong lider ng mga walong crash survivors na unti-unting namamatay dahil sa kinakain nga sila ng mga matatapang na aso. Pero may back story si Ottway na paulit-ulit na pina-flashback. Ayaw na niyang mabuhay. Sa katunayan, bago siya lumipad, nagtangka siyang magpakamatay pero di niya tinuloy na barilin ang kaniyang sarili.

Lumakad ang grupo para makabalik sa sibilisasyon o sa lugar kung saan palagay nila ay mayroong magliligtas sa kanila pero mas malupit pa sa snowstorm ang kanilang nasuungan. Matatarik na bangin at rumaragasang  ilog ang kanilang napuntahan kung saan sa bawa’t sulok ay nagbabadya ang mas marami pang mababangis na aso. Sa puntong ito, ang inaasahang exciting na labanan ng tao at ng kalikasan ay umakyat na sa mas mataas na antas subali’t sa gitna nito ay panaka nakang sumingit ang mga tahimik na usapan tungkol sa Diyos at ang pangkalahatang kahulugan ng buhay at kamatayan.

Dito lumihis at naiba ang pelikula ni director Joe Carnahan (na nagdirek din ng action thriller na “The A-Team”). Imbes na maging isang simpleng man-versus-nature na pelikula, ipinakita niya ang maaaring magawa ng mga disenteng tao na nasa bingit ng kamatayan. Ano ang hangganan ng tao kapag walang patawad ang kalikasan at hindi ito nakakaramdam?

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Entertainment, Movies, Reflections. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s