Jukebox Hits

Minsan, kahit katuwaan lang, nakikisabay tayo sa mga jukebox hits, yung kanta nina Imelda Papin, Eva Eugenio, Claire de la Fuente, Mimi Baylon, Victor Wood, Eddie Peregrina, April Boy Regino, Rodel Naval, at marami pang iba. Mga awitin ito na punong-puno ng hinagpis, pagtitiis at pagdurusa. Karamihan sa mga kanta ay nanlilimos ng awa at pagmamahal. Marami sa mga nagsasabing baduy, bakya at corny ang mga kantang ito ay automatic din namang  nangingiti kapag narinig nilang pinapatugtog ang mga kantang ito. Maging ang sosyal nating broadway superstar na si Lea Salonga ay di napigilang matawa nang minsan nyang binanatang ibirit ang awiting “Tukso” ni Eva Eugenio sa isa niyang concert sa PICC kung saan  sinmabayan pa siya ng isang full orchestra. Bakit nga ba? What is it in jukebox hits  na either na-a-amuse o naantig ang mga tao? Sa panahon ba ng mga I-Pod at I-Tunes, may puwang pa ba at market niche ang mga jukebox hits?

Naging term paper ko ang Pinoy jukebox hits nang kumuha ako ng isang cognate sociology course sa kolehiyo. Bukod sa pinakinggan ko ang mga makabagbag damdaming kanta na kalimitan nating nariring na pinapatugtog sa mga jukeboxes sa malalayong baryo, nag-interbyu rin ako ng mga ordinaryong tao at inalam kung bakit gusto o ayaw nila ang mga awiting jukebox. Isa sa mga nakakatuwang findings ng aking survey interview ay two out of ten lamang ang nagsasabing ayaw nilang makinig sa mga jukebox hits. Baduy daw kasi ito ito. Ano ba kako yung baduy? Ang sagot nila–makaluma, di na uso, corny. Isa pa sa natatandaan kong interesting finding ay ito. Taliwas sa sinasabing masa lamang ang nakaka appreciate ng jukebox hits, marami rin sa mga nakausap ko ay mga nakakaangat sa buhay. Pero nakikinig lang daw sila malimit pag mag-isa lang sila o pag kasama nila ang kanilang mga kaibigan. Bakit kako? Minsan kasi, parang nakakahiya. Ha? Anong nakakahiya dun? Di nila ma-expound.

Tulad ng komiks, ang mga jukebox hits ay mga audio art forms ng ating pop culture na sobrang tanyag o sikat. Predictable ang melody nito, lalo na yung mga ballads at melodramatic ang mga lyrics–lahat halos pumapatungkol kung di man sa kasawian ng pag-ibig ay ang kabaliwan ng umibig. Tulad na lang ng linyang ito sa kantang “Kasalan Ba?” ni Mimi Baylon: “Kasalanan bang umibig ng buong tapat?/Kasalan bang umibig ng buong wagas? Kung kasalanan mang umibig, ayaw kong mawasto!”

Pero di tulad ng komiks na parang papawala na sa mga tindahan ng dyaryo at mga magasin, hanggang ngayon, popular pa rin ang mga jukebox hits kahit naging high tech at digital na ang mga audio software at hardware. Sabi nga ng isang nainterbyu ko, “Hanggang may masa, hindi mawawala yan. Hanggang may mga magsasaka sa bukid, manggagawa sa pabrika, katulong sa mga tahanan, mananatili pa rin ang mga awiting jukebox. Escape namin yan. Parang may karamay kami sa hirap ng buhay.”

Dito sa Taipei kapag linggo, sa Zhongshan road, ang tinatawag na Philippine street ng mga instik, kapag  bandang mga alas dos ng hapon hanggang gabi may maririnig kalimitan ang mga passersby ng mga Pinoy na nagkakaraoke. Talagang biritan na animo’y lalabas na ang mga baga. At kalimitan sa mga kanta ay mga awiting jukebox. Malungkot. Sobrang senti. Pang emote to death. At huwag lang di ipasa ang mikropono kina ate, kuya and all else in between, lalabas na ang talentong Pinoy sa pag-awit. Mapa “Isang Linggong Pag-ibig” man ni La Papin o “Luha” ng Aegis, walang patawad na nagiging instrumento ang mga jukebox hits para mailabas ng mga kabayan ang kanilang pananabik sa sinilangang bayan.  Pero sabi nga ng isang Pinoy: “In fairness, kahit sumisigaw, nasa tono sila. At with feelings!”

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Entertainment, Memories of Home, Music. Bookmark the permalink.

2 Responses to Jukebox Hits

  1. andy says:

    Noong di pa nauso ang OPMs, jukebox staples ang mga covers na kanta ni Ate Guy…pearly shells, tiny bubbles and of course ang paborito kung the music played. later, naging jukebox hit din ang kanyang origs kagaya ng forever loving you. sa male singers naman, umariba si eddie peregrina sa kanyang mga danny subido songs…am not so sure nga lang lang kung siya ang composer ng peregrina hits like mardy, memories of our dreams, don’t ever go at two lovely flowers. victor wood ay hot din sa jukebox sa kanyang pumipiyok singing style…eternally, let me love you carmelita at lonely teardrops among many others. sa mga oras na gusto kung sariwain ang mga taon na yun, tinutugtog ko ang mga kanta nila…:-)

    • Ang galing ng memory mo, Andy! Tanda mo pa lahat. Salamat sa pag react at pag share. I miss hearing your version of Yoyoy Villame’s “Butchikit.” Nobody ever does it better than you! 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s