EDSA Walkathon

Una kong nalakad ang kahabaan ng EDSA noong first anniversary ng “People Power” noong February 1987.  Absent kasi ako nung mismong people power revolt nung 1986 dahil kasalukuyang nagdudusa ako sa pagsusulat ng aking college thesis.  So a year after, sinigurado kong present na ako.  Naglakad kami ng mga kasamahan ko sa U.P. mula Ali Mall, Cubao hanggang sa kahabaan ng Camp Crame at dumating sa Ortigas kung saan nakatayo ngayon ang Crown Regency hotel. Damo at talahiban pa yun noon. Wala pa ang MRT . Wala pa ring Robinson’s Galleria at Megamall. Maliban sa ADB at San Miguel building, Ortigas was all bare land.

Euphoric ang celebration noon. Nakita ko buhat sa malayo si Tita Cory na panay ang taas ng kanyang kamay para magawa ang Laban sign at parang nanumbalik ang lahat ng saya noong apat na araw ng Pebrero, 1986 nang makamit natin ang demokrasya matapos ang 20 taon ng martial law. Almost every year after that, nanonood ako ng mga tribute at dokyumentrayo sa TV tungkol sa ating makasaysayang People Power hanggang sa mapansin kong parang wala ng spark ang mga selebrasyon. Syempre, ang dami ng nangyari. Tatlong presidente na ang nanungkulan simula ng iputong ni Cory ang korona kay FVR. Nagkaroon na nga ng EDSA 2 at EDSA 3, but nothing beats the original. Ilang taon na ring namayapa si Mrs. Aquino at ang anak niyang lalaki ang namumuno ngayon.

Twenty-six years after EDSA 1986 at ganun pa rin ang ating mga hinaing: garapalang pangungurakot, mas humihirap na masa, walang patumanggang sipsipan at laglagan sa pamahalaan. Ang mga tao raw ay nagmistula ng parang MRT sa EDSA–hirap, pagod, pabalik-balik at patigil-tigil. Ano pa nga bang “push to the wall” na kailangang mangyari bago manumbalik ang tila namatay ng espiritu ng EDSA–yung mapayapang rebolusyon na hinangaan tayo ng mundo at minsan tayong naging proud bilang mga Pinoy?

Ang huli kong paglalakad sa kahabaan ng EDSA ay nangyari mga tatlong taon na ang nakakaraan. Yun yung panahong mayroon naman akong personal na krisis sa aking buhay at napagtripan ko lang maglakad mula SM North hanggang sa may Farmer’s Market sa Cubao para maibsan ang poot at inis sa loob ko. Sabi kasi nila, ang paglalakad daw ay nakakatulong makapagpalinaw ng isip at sabi ko sa sarili, sa tindi ng sama ng loob ko, baka kailangan kong ituloy-tuloy ang paglalakad hanggang Mall of Asia na.

Syempre, hindi ako nagtagumpay. Cubao pa lang, kulay itim na ang puti kong T-shirt dahil sa tindi ng usok ng bus. Ilang beses na akong nabulyawan at nasigawan ng mga taxi driver dahil ayaw ko raw tumabi. Naubo na ako sa tindi ng carbon monoxide at ilan pang nakalalasong kemikal na nalanghap ko sa daan. Ang inaasam-asam kong linaw ng isipan ay naging isang malabong burak sa aking utak.

At natawa ako sa aking realization. Para rin pala akong karamihan sa masang Pilipino noong panahong yun: pagod, hindi na galit pero desensitized na, wala na halos makita, wala ng pakialam, ayaw ng umusad at gumalaw.

Pero syempre, wala naman akong choice. Dahil gusto ko ng umuwi, yung natira kong energy at konting linaw ng isip, ay nakapag-decide akong sumakay sa bus and one hour later, nasa bahay na ako, nakaligo na at handa ng matulog. Panay ang aking iling at ngiti dahil sa dinami-dami ng lugar sa Maynila, doon ko pa mandin idinaos ang aking personal na rebolusyon sa makasaysayang 23-kilometrong kalsada ng EDSA.

Talaga naman!

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Events, Memories of Home, Reflections. Bookmark the permalink.

4 Responses to EDSA Walkathon

  1. Rey Manalo says:

    Ang nangyaring rebolusyon sa EDSA noong Pebrero 1986 ay dapat ipagmalaki sa buong mundo. Dahil wala raw dumanak na dugo sa pagitan ng mga loyalistang sundalo ni Marcos at ng mga rebeldeng sundalo ni Marcos. Salamat sa mga sibilyan na nagkaisang makilahok para ipagtanggol ang mga sundalong nagpahayag ng pagka-dismaya sa pamunuan ni Makoy. Contractual worker ako nun sa Philippine Refining Company. Batarisan trainee ang tawag sa amin. alas 7 ng umaga nang gulantangin ang mga factory worker ng sunod-sunod na putok sa gawi ng malakanyang. Namamaril ang mga sundalong sakay ng sikorsky helicopter ang malakanyang. Ilog Pasig lang ang pagitan ng gusali ng PRC at Palasyo ng Malakanyang. Dahil doon, pinauwi ang lahat ng trabahante sa pabrika ng sabon. Giyera na daw! Sa labas, kalye ng United Nations Avenue, mayroong trak na naghahakot ng mga tao patungo sa EDSA. Ewan kung ano ang pumasok sa isip ko noon at umakyat ako sa trak. Kaway ng kamay ang nagsilbing pamamaalam ko sa aking mga kaibigan sa pabrika. Wala ni isang salita. At habang tumatakbo ang trak, saka ko naisip ang nanay ko, mga kapatid at ang buong pamilya. Pero hindi nagbago ang pasiya kong makilahok sa rebolusyon. Tama na sa rehimeng Marcos, at naniniwala ako na si Cory Aquino ang nanalong presidente sa naganap na snap eleksiyon noong Pebrero 7, 1986. Puno ng tuwa at pag-asa nang umalis sina Marcos sa malakanyang ang buong Pilipinas. Nanumbalik ang Demokrasiya. Namuno ang biyuda ni Ninoy sa sandamakmak na Pilipinong matitigas ang ulo. Hindi nagtagumpay si Cory na pagkaisahin ang oposisyon at ang mga latak ng pamahalaan ni Marcos. Hindi naglaon at nagrebelde sina Gringo Honasan at mga kasamahan sa RAM. Hindi nagpahuli si Enrile, lantaran itong sumuporta kina Gringo. At nagkawatak-watak ang mga bayaning itinuturing ng Edsa. Ilang ulit na pinalakpakan si Cory Aquino sa pagtatalumpati niya sa kongreso ng Amerika. Sapat na upang iliyad ni Juan dela Cruz ang kanyang dibdib bilang isang Pilipino sa buong mundo. Ngunit hinda sapat ang katanyagan ni Cory Aquino para isalba ang lahing kayumanggi sa kahirapan. sadsad pa rin ang ekonomiya. at marami pa rin ang walang trabaho. at higit sa lahat, anduon pa rin ang mga oportunistang pulitiko…walang kahiya-hiya, walang disiplina…kaya ang pinoy hangga ngayon, anak na ni Cory ang presidente ng Pilipinas, hindi pa rin uma-angat sa kahirapan. marami pa rin ang walang trabaho at lalong marami na ang walang karangalan at dangal na iniingatan. kahit itanong pa ninyo sa supreme court justices!

    • salamat sa yong salaysay, rey. lahat yatang tao na buhay na nung panahong yon ay may kani-kaniyang kuwento tungkol sa EDSA. lahat ay dapat pakinggan para sa mga kabataang hindi na naabot ang makasaysayang mga araw na yun.

  2. popoy palaboy says:

    sir im planing lakarin ang buong edsa meaning from balintak to moa seen nabasa q toh may yayain na aqng maglalakad =))

  3. minsan ay gawin natin yun, brey. pero siguraduhin nating walang ulan at baha pag nilakad natin ang kahabaan ng EDSA🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s