The Ides of March

Wala namang mensahe sa pelikulang “The Ides of March” na hindi pa natin alam. Kung tutuusin, gasgas na ang pag-d-dramatize kung gaano kadumi ang mundo ng pulitika. Kung gaano ka manipulative ang mga taong nasa gitna ng mga political headlines, at ang  nangyayaring pag balimbing ng ilang mga taong nasa political action tuwing sasapit ang eleksyon. Sa kabila ng lahat ng ito, na enjoy ko pa ring panoorin ang “The Ides of March” dahil magaling magkuwento si George Clooney, ang co-writer, director at actor ng nasabing pelikula. Malinaw niyang naipakita ang kanyang mensahe. Magagaling gumanap ang kanyang mga artista, at higit sa lahat, hindi maingay ang pelikula. Walang makahabol-hiningang barilan, karerahan ng kotse at patayan. Walang sampalan at melodramatic na confrontations. Tahimik lang ang daloy ng pagkukwento ni Clooney, pero meron syang mga undercurrents. Ang ganitong klase ng istilo ay mahirap ma-pull off, pero nagawa ito ni Clooney. Ang resulta ay isang thought provoking na pelikula tungkol sa nature ng pulitika.

Base sa isang dula ni Beau Willimon na pinamagatang “Farragut North,” ang “The Ides of March” ay kwento ni Stephen Meyers (ginampanan ni Ryan Gosling), press secretary ni Gov. Mike Morris (George Clooney) ng Ohio, isang Democrat na tumatakbong Presidente. Ang campaign manager ni Morris ay si Paul Zara (Philip Seymour Hoffman, habang ang campaign manager ng kalabang kandidato ni Meyers ay si Tom Duffy (Paul Giamatti). Kasagsagan ng primary election campaign ng nagsimula ang kwento at dalawang major events ang nakapagbago sa takbo ng buhay ng bidang si Stephen Meyers. Una, ang pag-unlak nya sa imbitasyon ni Tom Duffy na makipagkita sa kanya sa isang bar na hindi nagpapaalam sa kanyang campaign manager. Sa daigdig ng pulitika, isa  itong mortal sin. Pangalawa, ang pagkakaroon niya ng affair sa isang political intern na nagngangalang Molly Stearns (ginampanan ni Evan Rachel Wood), na lingid sa kanyang kaalaman, ay nagkaroon din pala ng affair sa kanyang boss (George Clooney).

Dito nagsimula ang gulo. Na-fire si Meyers, bumalimbing sya at kumampi sa kabilang panig pero hindi siya tinanggap ng kabilang political camp. Nalaman niyang buntis pala si Molly Stearns at si Morris ang ama. Wala silang choice kundi ipalaglag ang bata. Ang mga eskandalong ito ang nagdulot ng mga blackmail, suicide at iba pang uri ng manipulasyon. Si Meyers, ang character na ginampanan ni Ryan Gosling, ang tinuunan ng pansin ng pelikula at ang pagbabago ng kanyang character from a political novice to a true master of the game.

Sa pagtatapos ng pelikula, mapapaisip ka talaga kung bakit ang mundo ng pulitika ay punong-puno ng kasinungalingan. Na sa kabila ng mga ngiti ng mga kandidato ay umaalingasaw ang amoy ng dumi.

Habang pinapanood ko ang pelikula, pilit kong hinahanapan ng sagot kung bakit “The Ides of March” ang title nito. I did my quick google search at aking napag-alaman na ang ibig sabihin pala ng “Ides of March” ay ang ika-15 araw ng Marso, kung saan sinaksak si Julius Caesar ng 23 beses. Ah, yun siguro! dahil sa pelikula ni Clooney, may mga matitinding stabbing at the back ang nangyari. At kung hindi ka rin sasaksak, mamamatay kang mata’y dilat.

Alam nating lahat yan. May tatalo pa ba naman sa padumihan sa pultika kung bansa natin ang pag-uusapan? Magmumukhang mistulang mga anghel ang mga characters ng “The Ides of March” kung ikukumpara sa mga totoong kontrobersyal na  pulitikong Pinoy.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Entertainment, Movies. Bookmark the permalink.

3 Responses to The Ides of March

  1. Rey Manalo ay nagsasabing:

    oo nga…RM, kasula-sulasok ang pulitika dito sa ating bansa. Nakaka-awa kaming mga biktima nila…andyan ka sa taipei, kaya di ka na kasali. nakakapagod na din sumubaybay sa walang katapusang pag-ga-grandstanding ng mga politicians dito. isang kumpas ng kamay, kontrobersiya na at mawawala na sa axis ang lahat. walang kontrol at disiplina maging ang mga tambay na sumasawsaw sa isyung lumulutang. Pero yung disiplina, mas kailangan nung mga nasa poder para may makitang sampol ang mga tambay lang na sumasawsaw. pero wala talagang mapipigang disiplina sa kanila. suwerte mo talaga, RM, andyan ka na! Merry Christmas!

  2. pinoytaipeiboy ay nagsasabing:

    yun lang talaga ang nakakalungkot, rey. kaya hindi umunlad unlad ang bansa natin. dahil sa pulitika at kurakutan. haay! merry xmas din sa `yo! 🙂

  3. likhakho ay nagsasabing:

    Interesting movie review and plot. Gusto ko lang panoorin dahil interesado ako sa pagkakagawa ni Mr. Clooney ng pelikula … hindi po ako sa interesado sa politics. sa comedy, interested ako ;), very interested I mean.

Mag-iwan ng tugon sa pinoytaipeiboy Pindutin ito para bawiin ang tugon.