Happy Birthday, Mavic!

Pinagmamasdan ko ang mga pictures mo kapag nasisilip ko ang iyong Facebook account. Mukha ka namang masaya. Tumaba ka pa nga. Bagay sa `yo ang bago mong figure. Dati ay halos buto’t-balat ka. Salamat naman at nagkaroon ka na ng kurba at laman. At  kahit na saang anggulo ay photogenic ka talaga. Mayroon ka na ring new set of friends. Hindi naman ito kataka-taka kasi simula nang makilala kita, isa sa mga una kong napansin sa `yo ay ang iyong angking kakayahang mag adapt sa kahit na anong sitwasyon. Para kang buto ng munggo na kahit saang lupa ko itapon ay kusang tutubo.

Pero kilala rin kita. Magaling kang magtago—and I mean this literally and figuratively. Kapag may mga pinagdadaanan kang mabigat sa buhay, hindi ka lang nawawala na parang bula, mahusay ka ring umiwas at umilag sa mga nagtatanong sa `yo. Malimit ko itong sabihin sa iyo noon pero tinatawanan mo lang ako.

Na-mi-miss kita kasi masarap kang kahunta. Marami kang masasayang experiences na na-s-share. At kapag joke time, laging lumalabas ang iyong angking kapilyahan. Sa barkada, kapag may nagsimulang mag-crack ng green joke, mas matindi ang iyong mga hirit. Pero pag natapos na ang halakhakan at nagkaseryosohan na, saka ko lang makikita na malamlam ang iyong mga mata. May mabigat ka palang dinadala sa loob at dinadaan mo lang  lahat sa tawa at biro.

Nagsimula tayo sa relasyong boss-assistant. Madali kitang naging kaibigan. Bukod sa sobra kang  mabait, mahusay ka ring makinig. Magaling kang makisama at kapag sobra ka ng  komportable sa tao, ang dali mo ring mag-share ng mga detalye ng iyong napaka-kulay na buhay na talaga namang dadaigin pa lahat ng mga nag-hit na tele-nobela sa mundo.

Tumawid ang relasyon natin sa bakod ng media work. Naging barkada ka na rin ng  mga barkada ko sa opisina at tayo ang magkakasama halos gabi-gabi sa gimikan: pagkanta sa mga videoke bars (kung saan paborito mong kantahin ang “You Must Love Me” ni Madonna); sa panonood ng sine at sa halos lahat na uri ng okasyon na nangangailangan ng damay ng barkada–mapa-bertday, binyag, kasal, dalaw sa ospital at libing. Napakagaling mo kasing makisama.

Ang pakikisama mong ito ang mas lalong nagbuklod sa atin. Marami tayong napagsaluhang mga sekreto sa buhay, halakhakang umaabot sa paggulong at paghiga sa sahig, iyakang pang Famas at pang Urian at kantahang halos makabasag salamin.

Birthday mo ngayon at alam kong may kasalanan ako sa `yo. May pinangako kasi akong mahabang email na ipapadala ko, pero hindi ko na nga ito nagawa kasi masyado rin akong naging busy. Ang gusto ko lang sabihin sa yo, sa lahat ng blog na nasulat ko, dito ako nahirapan. Ilang araw ko itong inattempt na buuin. Naka four drafts yata ako.

Kasi naman ang hirap pagkasyahing ilarawan ng ating pagkakaibigan sa loob lamang ng halos isang libong salita. Paano ko ma-de-describe in several paragraphs ang mga pinagdaanan nating kalbaryo at langit? Totoong  napakarami nating period of very long silences, pero sobra rin ang mga pinagsaluhan nating kabanata ng drama, comedy at aksyon. Paano ko maibabahagi sa nakararami ang ating mga pinagdaanang  adventures at misadventures gayong karamihan sa mga episodes na ito ay nangangailangan ng tatak ng MTRCB na “patnubay ng magulang?”  Sa iyo ko napatunayang hindi nangangahulugang kahit limang taon tayong hindi nagkikita o nag-uusap ay hindi na tayo magkaibigan. Sa iyo ko rin natutunang pag magkaibigang totoo, hindi na kailangan ng marami pang salita, at hindi rin magiging hadlang ang panahon at distansya para magkaintindihan.

My dearest friend, Mavic, maraming salamat sa halos 17  taon ng ating pagiging magkaibigan. Mapa Sucat o mapa-Bicutan, mapa-Makati o mapa-Malate, mapa-R.S. Video o mapa-ArtDepth, mapa-Las Vegas o mapa-Taipei, hindi pa rin nawawala ang ating koneksyon na pakiramdam ko’y pinagtibay talaga ng panahon.

Nasabi ko na sa yo minsan na magsusulat  ako isang araw. Eto na nga, pinipilit kong ikuwento ang makulay nating friendship na kung isasapelikula ay tiyak kong papatok sa takilya. Pero pakiramdam ko’y mahihirapan din ang  sinumang susulat ng ating kuwento dahil hindi madaling ma-capture ang ating mga kabaliwan at katinuan, ganundin ang iyong angking tapang sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Malimit nga kaming mga kaibigan mo ay sa iyo humuhugot ng lakas. Di iilang beses kong narinig sa iba nating barkada na kung nakaya ni Mavic, siguro kaya ko rin. Totoong survivor ka kasi.

Maligayang kaarawan, kaibigan. Hindi ko alam kung paano, pero malakas ang kutob kong magkikita ulit tayo. At pag nangyari yun, ihanda mo ang sarili mo dahil sasakalin kita—gaya ng ginagawa kong pagsakal sa iyo noon bilang lambing ko pag matagal na tayong di nagkikita.

At alam mo na rin kung bakit kita sasakalin. Read between the lines, my friend. I know you are thousands of miles away, pero dito sa kinauupuan ko, naririnig ko ang iyong malulutong at humihingal na halakhak. At alam kong alam mo na musika ito para sa aking mga tainga.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Memories of Home, Personalities, Reflections, Relationships. Bookmark the permalink.

7 Responses to Happy Birthday, Mavic!

  1. Pauline says:

    What a beautiful ode to your friend, Ronald. 🙂

  2. sally says:

    galing talagang manunulat…. ang sarap basahin ng mga blog mo… iam sure tumatawa at umiiyak si mavic ngayon…happy bday din….regards

  3. thanks, thanks, sally!!! sumagot na si mavic sa FB. share ko lang:
    Salamat ng marami..pinaiyak m ko! my gosh Life life life! dko rin akalain sa lahat ng pinagdaanan kong pain, i could stl stand up and smile..it’s only my faith in d promises of God that has made me carriy on..until now..but thanks my friend for taking d time to reminisce our long friendship & giv me a tribute sa blog mo! social! ..gosh 17 yrs na pla! time flies..but thanks my friend coz without u guys..the journey would be so unbearable..

  4. Hendz says:

    Habang binabasa ko ang blog mo ronald nakikita ko na pasilip-silip ang sarili ko sa mga linya! tulad mo, i miss mavic, terribly! from taipei to las vegas to saudi arabia, ang lalayo natin sa isa’t-sa. pero tulad mo, ako rin ay umaasa na magkikita tayo balang araw. Muling malalaglag sa mga upuan sa katatawa hindi lang dahil sa mga nakaraan kundi sa mga bago nating karanasan. at ang mga ito ay ikukuwento sa kani-kaniya nating mga istilo na talaga namang kamamanghaan ni direk wen de ramas dahil impromptu at worth-capturing into a comedy script!
    maligayang kaarawan, mavic!

  5. Jeannie Pacheco says:

    tama..may laman na ang bruha at hindi buto’t balat… happy birthday mavic!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s