Paalam, Kune

Huling beses kitang nakausap noong unang linggo ng October nang ilang beses kang nag-miss call sa akin habang kami ng katukayo mong si Agnes ay namamasyal sa Yngge, sa Taipei county. Ako na ang tumawag sa `yo at ang saya-saya mo pa sa telepono. Kadarating mo lang noon galing Europe at masaya mong ibinida sa akin kung gaano kaganda ang mga tanawin sa Prague. Sabi mo’y  kailangang makapunta ako roon at willing kang samahan ako. Tapos sabi mo, may sasabihin ka sa akin pero saka na lang. Hindi na tayo nagkausap ulit.

Sobra akong naging abala noong October kasi ang dami kong biyahe at trabaho. Ni hindi ko na nagawang bisitahin ang Facebook wall mo sa dami ng aking ginagawa. Hanggang sa isa-isa na ngang nagdagsaan ang mga private messages ng ating mga kaibigan tungkol sa iyong karamdaman. Alam ko, iyon siguro ang sasabihin mo sa akin.

Noong isang linggo, hindi na ako mapakali. Balisang-balisa ako. Ikot ako ng ikot sa office. Hindi ako maka-concentrate sa trabaho. Ikaw ang lagi kong naiisip. Sa gabi, paulit-ulit kong binabalikan ang ating history. Kung paano tayo nagkakilala noong March, 1997 sa isang scriptwriting workshop na isinagawa ng Film Development Foundation. Kaagad tayong nag-click at naging magkaibigan. Simula noon, hindi na tayo nagkahiwalay.

Pinagbuklod tayo ng ating parehong hilig sa pagsusulat. Di nga ba’t nagsimula tayong nag-share ng byline sa dyaryo nang mabigyan tayo ng pagkakataong makapagsulat sa lingguhang Saturday Special ng Philippine Daily Inquirer kung saan ang editor natin ay ang ating writing mentor na si Sir Nestor Torre? Naaalala ko kung papaano tayo maghabol ng mga celebrities sa mga pasilyo ng ABS-CBN at GMA-7 noon. Gabi-gabi ay nagtatawagan tayo sa telepono kasi binubuo natin ang ating lingguhang artikulo para makaabot tayo sa ating  Martes na deadline.

Di ba’t ikaw din ang dahilan kung bakit nakapasok akong magsulat sa telebisyon nang kunin mo ako bilang isa sa mga writers ng iyong pinamamahalaang i-head write na “Baywalk Stories” at “Maynila” sa GMA? Sinabi ko sa `yo na hindi ko gamay ang medium ng TV, pero sabi mo’y tutulungan mo ako. At tamang-tama, nag-e-edit naman ako noon ng isang Men’s magazine at kinuha rin kitang contributor. Naaalala ko pa ang travel beat na binigay ko sa yo kung saan sinulat mo ang iyong mga biyahe sa Australia, Canada at Mexico. Nagtulungan tayo at nabuhay sa pagsusulat ng maraming taon. Namayagpag ka sa pagsusulat sa telebisyon at pelikula habang ako nama’y napako sa print medium pero lagi tayong nagtutulungan at nag-e-exchange ng rakets.

Naaalala ko ang taunang Christmas party sa yong bahay kung saan nagkikita-kita tayo lagi ng ating mga kaklase para mag-exchange gifts, kumain at magkuwentuhan hanggang madaling araw. Naaalala ko rin kung paano mo ako hinihila maya’t-maya sa iyong mga prayer meetings at sa iyong missionary work sa Correctional for women. Hangang-hanga ako sa lakas ng iyong pananampalataya at sa maya’t-maya’y pangaral mo sa akin na huwag pababayaan ang aking buhay ispiritwal.

Sinasabi mo pa sa akin na kung sakali man at manatili tayong single sa ating pagtanda, tayo na lang ang mag-aalaga sa isa’t-isa sa home for the aged. Di nga ba’t binalak pa nating mag-scout na ng mga retirement homes sa may Tagaytay? Di ba’t ikaw lagi ang aking ka-segundahan sa videoke kung saan na perfect na natin ang awit nina Richard Tan at Bambi Bonus na “Kailangan Mo, Kailangan Ko?” Nang una akong mabungian ng ngipin sa pagkain ng matigas na inihaw na pusit, di ba ikaw ang una kong tinawagan? Ang lakas noon ng halakhak mo at sinabi mo pa ngang, “Kahit pa ano’ng hitsura mo. Kahit mabungi lahat ng ngipin mo, labs pa rin kita.”

Noong una kang na-diagnose na may cancer of the breast, isa ako sa una mong sinabihan at naalala ko na sinasamahan kita lagi noon sa St. Luke’s para magpatingin. Halata kong balisa ka pero hindi mo ito pinahalata. Buong tapang mong hinarap ang iyong sakit. Isang taon kitang nakitang unti-unting bumuti ang kondisyon at tuwang-tuwa ka kapag nakakatanggap ka ng positive results ng iyong lab tests. Nang matanggap ako rito para magtrabaho sa Taipei, ikaw din ang isa sa mga una kong sinabihan at nag-organize ka naman ng isang despedida para sa akin. Tandang-tanda ko pa ang huli nating pagkikita—March 13 yun ng taong ito. Nagpaalam ka sa akin sa Ayala MRT station. Inakap mo ako ng mahigpit at ang sabi mo sa akin ay “Sige na. Ayoko ng goodbyes. Malungkot. Magkikita pa naman tayo.” Tinanaw kita hanggang makaakyat ka sa mataas na escalator ng Ayala station hanggang sa nawala ka na sa aking paningin. Iyon na pala ang huling beses kitang makikita.

Two nights ago, napanaginipan kita. Suot mo ang berdeng long-sleeve na shirt at naka-pony tail ang iyong buhok. Naka maong ka at suot mo rin ang rubber shoes na magkasama nating binili sa SM North. Mukha kang pagod at payat pero pinipilit mong maging masaya. Pinagluto mo pa nga ako at saka sinabing…”friend, magpapaalam na ako sa `yo. Baka hindi na tayo magkita.” Nagising ako ng 4:30am na humahagulgol.

Kanina, nag-text na sa akin ang ating kaibigang si Michiko. “Ronald, nag-collapse na heart ni Kune. Nasa ICU na sya.”

Sa mga ganitong sitwasyon ako nahihirapan. Gusto kong umuwi at makiramay pero imposible itong gawin ngayon. Pilit kong dinadasal na sana, magkaroon ng isang milagro. Pero sa mga natanggap kong mensahe, sobra ka na ring nahirapan. Sumisigaw ka daw magdamag sa sakit. Kumalat na ang cancer sa yong buto, atay at utak. Binubulong kong mag-isa na kung nahihirapan ka na, mag-let go ka na. You will be in a better place.

Kaninang madaling araw, tinawagan ako ng katukayo mong si Agnes galing Melbourne. Umiiyak siya. Nag-text na daw ang kapatid mong si Normie sa kanya.

“Yun na ba `yun?” Tanong ko.

“Oo,” sabi ni Agnes.

“Anong oras daw?” Tanong ko ulit.

Umiiyak na sumagot ulit si Agnes. “Four-thirty daw.”

Four-thirty din akong nagising kagabi na humahagulgol.

Kanina, tiningnan ko ang last mong private message sa akin sa Facebook. It was dated October 2. “Thank you, friendship. I miss you much. Mwah!”

I will sorely miss you too, Kune. Paalam.

Magkikita ulit tayo sa ibang lugar at panahon.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Memories of Home, Personalities, Reflections, Relationships, Taiwan Life. Bookmark the permalink.

29 Responses to Paalam, Kune

  1. agnes says:

    Paano maiibsan ang sakit sa pusong nangungulila? ang sakit mawalan ng kaibigan tulad ni Kune:( Isang totoong tao at nandiyan lagi para sa iyo. Paalam Amiga…

  2. andy says:

    Nice piece ‘nald…ba bay kune…:-(

  3. sally says:

    sya ba yong kinuwento mo sakin rgm….sobrang sad naman…nakaka relate me because of my mom… ang ganda ng msg mo sa kanya…i know nabasa nya to….

  4. Rey Manalo says:

    naalala ko yung andun tayo sa bahay ni Sir NUT, habang binabalangkas ang mga isasali natin sa Cinemalaya. Andun si Kune na walang damot sa katawan na nagsi-share sa mga sinulat natin. Siya kasi yung may malawak ng karanasan dahil nagsusulat na si Kune noon sa Maynila. Hindi man kami malapit na magkaibigan ay mabuti naman ang pakikitungo namin sa isa’t-isa kapag nagkikita. Huli ko yata siyang nakita nung nasa birthday dinner tayo ni Janboy sa bahay ni Sir. February yun. Masarap tumawa si Kune. Nakakahawa. Sabi mo, ayaw ni Kune ng goodbyes…dahil nananalig siya sa Diyos, nagtitiwala. At gayun din ang gawin natin ngayon na bumalik na si Kune sa kanyang Manlilikha. Magtiwala tayo na wala na siyang sakit na nadarama pa. My condolences sa kanyang pamilya at sa inyong mga kaibigan niya!

  5. Ida says:

    Maraming salamat, Ronald. Binasa ito ni Carol sa akin ng balitaan niya ako kanina tungkol kay Kune. Binasa ko ulit ngayon. Masakit. Pero may pasalamat din sa dibdib ko dahil nakilala natin si Kune bilang kaibigan. Nanghihinayang lang kami ni Carol na mga sampung taon naming di nakita si Kune. Paalam din, Kune…

  6. Rito says:

    Beautiful piece, Nald. Labas ulit tayo soon with Kune, kagaya ng ginagawa natin nun. and, this time..hindi lang basta sa Trinoma or Glorietta–we can all have dinner in Heaven, and she will be our loud and loving hostess! And we will hear her hearty and heartfelt laughter again. You will be sorely missed, my dearest Kunesa!

  7. michiko says:

    condolence ronald. di ko pa rin matanggap na wala na siya. parang di totoo. nakakalungkot.

  8. Ajie says:

    hi ronald, cya ba yun kasama mo sa Starbucks noon nag production mtg tayo with Aisaku? it’s so hard to lose a friends that way…. but i am sure you had a lot of wonderful memories together….

  9. Babes Elegado says:

    Hello Ronald! Ngayon ko lang ito nabasa. So sorry about your loss! Feel the pain and cry it out, but let go sometime soon…

  10. Leah says:

    Hi Ronald, i don’t know if u still remember me.Friend ako ni kune ,Ganda ng sinulat mo pero nakakalungkot sobra.Tama ka life will never be the same without kune.

  11. Nymfa Aranas says:

    hi ronald! kinilabutan ako nang mabasa ko ang dream mo about your friend kune at kasunod noon ay ang ang balita na she went to be with the Lord…. naiintindihan ko ang nararamdaman mo dahil napakaganda ng inyong pagkakaibigan. ayaw kong magsabi ng condolences kasi narinig ko sa isang pastor na pag ang namatay daw ay Christian, siguradong sa heaven ang punta kaya dapat daw ay “congrats”…. sa kabilang banda ay awkward din itong sabihin dahil dumadaan ka sa pagdadalamhati….

    ang masasabi ko lang siguro ay nadito kaming mga bago mong kaibigan…. handang makinig o magbasa ng mga bago mong blog posts. nag-iisa si kune, pero tulad nga ng naisulat mo sa comment, napakaraming magagandang bagay at bagong friends na dinala sa iyo ang blogging.

    sabihin mo lang kung kailangan mo nang matatakbuhan dyan sa taipei…. pag kailangan mo ng foster parents, pwede kita ipakilala sa american friends ko na couple in their mid or late 50’s….

  12. salamat, nymfs. okay na naman ako. thanks for always reading my blogs and posting your reactions/comments. really appreciate it.

  13. Tux Siddayao says:

    Sir Ronald, ang lungkot naman…R.I.P. to your friend Kune.

  14. Permskee says:

    *tapik-tapik sa balikat* (I’m speechless..)

  15. Wendy says:

    Hi Ronald, on behalf of Nes’ high school classmates, we too are only coming to terms with the shocking news that our beloved Agnes has passed on. A couple of our classmates were in her wake and at her funeral. May kasabihan – hindi raw makatarungan ang mauna mong ilibing ang iyong anak. I just feel for her poor mother. I hope you find time to comfort her and her family which she loves very dearly. Would you please email me as I need to make sense on what had just happened. wc

  16. zaderay says:

    That’s true, Wendy. I spoke with her mother, who said exactly the same thing. It’s not easy to come to terms with her passing. I’m probably still in denial. I was staring at her during the wake – it looked like her yet it didn’t feel like her because it wasn’t the Kune we knew, who was always full of life. She looked like Sleeping Beauty, and it felt like we were waiting for her to wake up any time. Ronald was obviously extremely close to her because she said goodbye personally. I think she wanted the rest of us to remember her the way she always was, full of joviality. She was deep but never took herself too seriously. I guess when she was in so much pain that she couldn’t laugh anymore, she didn’t want to share her misery because she didn’t want us to feel sad. She always loved to make us laugh, not cry. Death never makes sense, except that we all have to pass through the portal of death to cross over to eternal life where there are no more tears.

    Revelation 7:17
    For the Lamb at the center of the throne will be their shepherd; ‘he will lead them to springs of living water.’ ‘And God will wipe away every tear from their eyes.’ ”

    Revelation 21:4
    ‘He will wipe every tear from their eyes. There will be no more death’ or mourning or crying or pain, for the old order of things has passed away.”

    God had mercy on Kune, taking away her pain and wiping away her tears. One day He will wipe our tears for her, too, when we are reunited.

    • Thank you very much for sharing your thoughts. I know Kune has many friends outside our circle but I still get surprised whenever strangers approach me and tell me how Kune deeply touched their own lives. She will truly be missed. Let us continue praying for her.

  17. Jean Cabrera says:

    Lubhang nakakalungkot ang pagpanaw ng isang napakabuting kaibigan at kasamahan sa trabaho . Dalangin nating sa Poong Maykapal na siya ay maluwalhating makarating sa kanyang kalangitan at makapiling ang mga Anghel ng sanglibutan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s