Dalawang Linggong Tag-Ulan

Sabi ng kaibigan kong matagal nang naninirahan sa Taipei, dapat daw ay masanay na ako na makita ang buong siyudad na palaging basa. Pitumpu’t porsyento ng buong taon ay umuulan dito sa capital ng Taiwan. Sa bahaging Keelung raw, sa Northern Taipei, ay mas matindi. Halos 95% ng buong taon ay umuulan. Kalimitan ay sa hapon. Okay lang, sabi ko. Kumpara sa tag-init, mas gusto ko ang tag-ulan.

Gusto ko ang tunog ng ulan. Kahit noong bata pa ako, pampatulog ko  ang tunog ng mga patak ng ulan sa bubong ng bahay namin. Sa katunayan, ilang taon na ang nakakaraan, may binili akong CD na ang tanging laman lamang ay isang oras ng iba’t-ibang uri ng tunog ng ulan. Pinapatugtog ko ito kapag tag-araw dahil madali akong makatulog. Gusto ko rin ang tag-ulan dahil malamig ang panahon. Gustong gusto ko rin ang mamintana o kaya ay sumakay sa sasakyan kapag umuulan at magmasid ng mga taong  naglalakad sa gitna ng ulan. Mahilig din akong tumingin sa mga puno, halaman at damo habang ang mga ito’y pinapaliguan ng agos ng ulan.Nagmumukhang sariwa ang lahat.

Alam kong may mga taong nabubwisit kapag umuulan. Malungkot daw ang langit. Gitata ang kapaligiran. At sa Maynila, huwag lamang di umambon ay bumabaha na agad. Pero ako, nakakabuo at nakakapagsulat pa ako ng maraming tula kapag umuulan.  Isa rin sa pinakapaborito kong gawin ay ang mamaluktot sa kama at magbasa ng libro kapag ang tubig galing sa madilim na ulap ay tuloy-tuloy na bumubuhos. Magana rin akong kumain kapag tag-ulan lalo na kung may tuyo, kamatis at mainit na kanin.

Nitong nakaraang dalawang linggo, araw-araw ay umuulan dito sa Taipei. Dapat sana ay in the mood ako para magtrabaho at magbasa pero simula ng mabalitaan kong ang isang kaibigan ko sa Pilipinas ay may malubhang karamdaman, naging balisa na ako. Hindi ako maka-focus sa trabaho. Pabalik-balik akong naglalakad ng paikot sa aking maliit na lungga sa aming opisina. Pagdating ko sa bahay, hindi ako makapag-relax. Iba ang tingin ko sa mga patak ng ulan habang nakatingin ako sa labas ng bintana. Parang lumuluha at nagbabadya ang langit. Maya’t-maya ay nag-aabang ako ng balita sa aking mga kaibigan sa Maynila. Iba rin ang nararamdaman kong lamig. Nanonoot siya sa aking balat. Niyayakap at nilalamon ako ng lumbay. Na-mi-miss ko ang ngiti ng sinag ng araw.

Sinusulat ko ito, bumubuhos na naman ang malakas na ulan. Gusto kong lumabas at sumayi. Idinidikta ng utak ko na maglakad kahit walang payong at walain ang aking sarili sa mga taong naglalakad sa labas. Alam kong pinanagako ko sa sarili kong di na muli ako magsusulat ng mga malulungkot na bagay pero di ko mapigil. Mahirap din pala ang mag-isa kapag malakas na bumubuhos ang ulan.

Bukas ay magsisimba ako at kasabay ng aking panalangin na sana’y gumaling na ang kaibigan ko, ibubulong ko rin sa Diyos na sana’y tumigil muna ang ulan. Para na kasing mga sibat at patalim ang kanyang mga patak at wala na akong sapat na gamot para lapatan ng lunas ang tila nagnanaknak kong mga sugat.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Reflections, Taiwan Life. Bookmark the permalink.

2 Responses to Dalawang Linggong Tag-Ulan

  1. Permskee says:

    Para palang London diyan.. =D

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s