Mapanganib na Buhay

Sinimulan kong basahin ang “Dispatches from the Edge,” ang bagong libro ng CNN reporter na si Anderson Cooper sa eroplano  nung nagbibiyahe ako mula Seoul hanggang Taipei. Hindi ko na ito nabitawan. Natapos ko ang libro kinabukasan sa Dante’s coffee shop na malapit lamang sa aking tinitirhan. Bata pa lang ako, interesado na ako sa buhay ng mga broadcast journalists. Para sa akin, sila yung may mga larger than life images. Marami silang napupuntahan, nakakausap, napapag-aralan at naikukwento sa madla. Maya’t-maya ay umaandar ang kanilang mga utak. Nag-aanalisa ng mga pangyayari. Ito nga ang isang dahilan kung bakit nag-major ako sa broadcasting nung college. Minsan ay pinangarap ko ring maging katulad ni Anderson Cooper, o kung sa local version ay tulad nina Howie Severino at Cheche Lazaro, mga idolo ko sa pamamahayag. Pero hindi tulad nila, wala akong tapang na mag-cover ng mga mapapanganib na kuwento.

Sa libro ni Anderson, sinalaysay nya ang isang buhay na mapanganib. Mula nang siya ay nagtapos sa Yale University, ang sikat na anak ng socialite na si Gloria Vanderbilt ay nagbiyahe na sa mga war-torn countries para mag-cover ng mga istorya tungkol sa gera. Sa katunayan, hindi pa man sya employed sa kahit na anong broadcast company, gumawa siya ng fake press ID para lamang makasama ng mga seasoned journlaists para mag-cover ng mga gera at sakuna sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig. At sa mahigit na 20 taon, isa na siguro siya sa mga taong nagkaroon ng first hand experiences sa lahat ng uri ng trahedya sa daigdig. At ito nga ang ikinuwento ni Anderson sa kanyang libro. Ang kanyang saloobin at mga behind-the-scene anecdotes sa pag-co-cover ng tsunami sa Sri Lanka, ang gera sa Iraq, ang famine sa Somalia, ang hurricane Katrina at kung ano-ano pa. Dinetalye nya ang anyo at amoy ng kamatayan–ang daan-daang biktima ng massacre na kanyang nasaksihan sa Africa at Middle East. Natatapakan niya ang mga bangkay ng mga napatay at hanggang sa pag-uwi niya sa kanyang magarang flat sa New York, naamoy pa niya ang mabahong alingasang ng mga bangkay kahit siya ay nakapaligo na.

Dalawang uri ng kuwento ang baligtarang isinasalaysay ni Anderson sa “Dispatches from the Edge:” ang mga istoryang kino-cover nya bilang isang broadcast journalist at ang malungkot na kuwento ng kanyang pamilya. Ang kanyang kaisa-isang kapatid na si Carter na nag-suicide sa harap mismo ng kanyang ina, ang kanyang yumaong ama at ang kanyang mga ninuno na unang nagtayo ng mga railroad station sa New York. Sinalayasay niya kung paano siya naapektuhan ng mga trahedya sa kanyang personal na buhay at kung papaano siya humuhugot ng lakas para takasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagbibiyahe sa mga mapanganib na bahagi ng mundo. Parang ang weird isipin. May mga taong tumatakas sa buhay sa pamamagitan ng paglalasing o di kaya’y panonood ng sine. Pero covering war as an escape?

Habang binabasa ko ang libro, may isang bagay akong gusto kong malaman. Yung mga journalists ba na katulad nina Anderson, nagiging “jaded o desensitized na ba sila sa kanilang mga nasasaksihan? Sa ilang mga paragraphs ng libro, parang sinasagot ito ni Anderson. Sa page 52 ng libro, sinulat niya: “It’s not always easy. I set up barriers in my head, my heart, but blood flows right through them. A corpse I see in Baghdad will remind me of a body back in Bosnia. Sometimes, I cannot remember where I was or why. I just remember the moment, the look, a sudden snap of a synapse, a blink of an eye, and I’m in another conflict. Another year. Every war is different. Every war the same.”

Bukod sa malalalim na insights tungkol sa digmaan, sakuna, tag-gutom at iba pang mga trahedya, isa sa mga nagustuhan ko sa libro ni Anderson ay ang talas ng kanyang pagsulat. Kapag kinukwento niya ang kanyang mga pagtangis matapos makasaksi ng isa na namang karumal dumal na patayan, madadala ka sa kanyang mga salita. Mapapahanga ka kung papaano niya nadadala ang lahat ng lungkot at takot. At mapapatanong ka rin kung bakit sa kabila ng lahat ay buo pa rin ang kanyang loob na harapin ang isa na namang malagim na kuwento.

About pinoytaipeiboy

Pilipinong nagtatrabaho sa Taipei. Mahilig magbasa, magsulat, kumain, manood ng sine, gumala, maglakbay at matulog. Interesado sa milyon-milyong bagay.
This entry was posted in Books, Personalities. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s